KAMAKAILAN LANG, pumanaw na ang batikang director na si Celso Ad Castillo sa edad na 69. Hindi natin malilimutan ang kanyang mga obra tulad ng Burlesk Queen, Tag-ulan sa Tag-araw at Pagputi ng Uwak ni Governor Vilma Santos, Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa (Gloria Diaz), Patayin sa Sindak si Barbara (Susan Roces), Isla (Maria Isabel Lopez), Virgin People (Janet Bordon, Sarsi Emmanuel, Pepsi Paloma at Ernie Garcia), Snake Sisters at Ang Lihim ng Kalapati (Isadora), Kailan Tama Ang Mali (Lala Montelibano), at Paradise Inn (Vivian Velez).
Sa mga classic films ni The Kid, pinaka-controversial ang pelikulang Burlesk Queen ni Ate Vi dahil sa burlesk scene at lovemaking with Rolly Quizon (dressing room ng theater). Inintriga rin ang pelikula sa dami ng awards na nakuha nito sa Manila Film Festival at sa iba’t ibang award-giving bodies. Nang dahil din sa pelikulang ito tinanghal na Box-Office Queen si Ate Vi at muling nagningning ang kanyang showbiz career.
Nang gawin ni Celso Kid ang Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, na launching movie ni Miss Gloria Diaz na kapapanalo lang bilang Miss Universe, walang patumanggang pinagsuot nito ng kamison ang international beauty queen. Pinauso ni Direk Celso ang wet-look na pinagpiyestahan ng kalalakihan sa nasabing pelikula.
As a director, perfectionist si Direk Celso, he’s really an artist. Nasaksihan namin kung papaano siya magdirek ng pelikula. Ultimo maliliit na details sa production ay binubusisi niya. Partikular siya sa ilaw, galaw ng kamera, production design, pati mga artistang nagsisiganap ay palagi siyang nakaalalay. Malawak ang kanyang imagination as a director kaya napapagalaw niya ang bawat artista sa gusto niyang mangyari sa eksena.
Bukod sa pagiging mahusay na director ni Celso, isa rin siyang magaling na actor. Kinilala ang naiiba niyang pagganap bilang ‘Pikoy’ sa Sampung Ahas ni Eba na dinirek ni Carlo J. Caparas. Hindi na rin mabilang ang mga makabuluhang pelikulang nagawa niya na nagbigay siya kanya ng acting awards.
Hindi namin malilimutan nang gawin ni Celso ang pelikulang Paradise Inn nina Lolita Rodriquez at VivianVelez. Batuhan ng linya ang mag-ina (Lolita at Vivian), wala kang itulak kabigin sa husay nilang pareho. Palakpakan ang buong production staff nang matapos ang eksena. Tinanghal na Best Actress si Ms. Body Beautiful sa pelikulang ito.
Malaki ang contribution ni Celso Ad Castillo sa movie industry. Kinilala at binigyang-halaga ang kanyang mga obra kaya’t nararapat lamang ihilera siya kina Lino Brocka at Ismael Bernal bilang pinakamahusay na director ng kanilang henerasyon.
Sa yumaong Celso Ad Castillo, sana naman maalala siya ng mga artistang naging bahagi ng kanilang tagumpay. Huling sulyap sa minamahal nilang director. Paalam, kaibigan…
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield