Naging matagumpay ang premiere night recently ng pelikulang “Mulat” (Awaken) na pinamahalaan ni Direk Diane Ventura. Ito’y tinatampukan nina Jake Cuenca, Loren Burgos, Ryan Eigenmann, Candy Pangilinam, at iba pa.
Ipinahayag ni Direk Diane ang kagalakan na muling napanood ng madla ang kanyang pelikula na naging kalahok dati sa CineManila and Cinema One Originals in 2014.
“I’m just really happy na may pagkakataon para mapanood ng mga tao ang pelikulang pinaghirapan namin. I just wish that the industry specifically theaters, were a bit more supportive of independent films. Mahirap kasi kahit maraming gusto manood, ‘di naman accessible sa lahat, kasi ang priority ‘yung commercial films. Walang platform or avenue ang independent filmmakers at artists. It’s sad, kasi dekalidad ang mga pelikula, pero ‘di nabibigyan ng same chance,” aniya.
Bukod sa pagdidirek nito, siya rin ang nagsulat at nag-produce ng “Mulat” na nakakuha ng A rating sa Cinema Evaluatioan Board (CEB).
Pinuri ng lady filmmaker ang mga nakatrabaho niya rito. “I’m very lucky to have had this stellar cast on board. It made my job just much easier and enjoyable.
“Si Loren noong na-meet ko, bago lang talaga siya. Si Jake naman kahit bihasa na, nagulat pa rin ako kasi sobrang mapagkumbaba at team player, walang ere. Naka-relate ako agad sa kanya sa passion at dedication niya not for fame or money, pero for his love of the art. Bihira na ‘yung ganoon dito kasi. Sobrang supportive niya kahit na independent feature lang ‘yung pelikula,” esplika pa ni Direk Diane.
Gusto ba niya ulit makatrabaho sina Jake at Loren? “I’d work with Jake and Loren again for sure, kasi madali silang katrabaho and supportive talaga sila and nandiyan sila hanggang sa huli. Hindi lang sila talented, professional talaga sila.”
Ayon pa sa kanya, gusto niyang magtuluy-tuloy sa pagpo-produce at pagdirek ng movies. “Oo, as long as may ideas ako at masaya pa ako, tutuloy ko pa rin ito. Pero ‘di ko pa rin bibitawan ang music production din. ‘Yung last concert ko was a tour in the US,” saad pa ni Direk Diane na ang next movie ay may working title na “Deine Farbe” (Your Color).
Ano’ng reaksiyon niya na gumaganda ngayon ang takbo ng indie films sa bansa?
“Inspiring na mas tinatangkilik na ang dekalidad at mga mahuhusay na obra ng mga talented writers and filmmakers. Dati ang sinusubaybayan lang ng nakararami ang paulit-ulit na istorya at tema not because that’s what the people want, but because those were the only options they had. Regardless naman kung independent o commercial, basta maganda pagkakagawa, hindi na importante ang labels, kesyo indie or commercial.
“Iyon nga lang siyempre, mas maraming independent films na riskier at kakaiba ang plot development at storyline na hinihikayat ang mga manonood na mag-isip para sa sarili nila at ‘di lang umupo at mapanood ang isang istorya na predictable at nakita na nila nang paulit ulit na kahit nakapikit ay alam na nila ang istorya.
“Nakatutuwa na tumataas na ang antas ng expectation at taste ng mga manonood. Reflection ito ng collective evolution ng masa na nagsisimula nang maghanap ng experiences na nagpo-foster ng independent critical thinking at intellectual stimulation. Suwerte ako na naranasan ko itong era na ito. It has always been a dream. Napaka-powerful na medium ng pelikula, amalgamation ‘yan ng all forms of art (visual, sound, etc.).
“Kaya malaki ang responsibilidad ng mga artist at filmmakers na gumawa ng mga pelikulang may katuturan na lalabas ang mga tao tapos manood na enlightened o at least man lang, makapanood ng isang pelikulang puwede nilang pag-usapan dahil nakahihikayat at nakai-inspire para mag-isip.”
“At ito ang hangad ko para sa pelikula ko na ‘theRapist’ at ‘Mulat’, na maging avenue kung saan makai-spark ng conversation at magpapatakbo ng isip. Whether or not magustuhan nila ay wala na sa akin ‘yun, as long as kahit paano natigil sila at nagamit nila ang kanilang oras para mapagdebatehan, mapag-usapan ang mga temang sensitibo at karapat-dapat na bigyang atensyon, masaya na ako,” mahabang esplika niya.
Dagdag pa ni Direk Diane, “Bilib ako sa Pilipino kaya para sa akin, oras na para patunayan ang talino at creativity natin sa lahat ng aspeto ng sining. Paminsan-minsan, mag-aspire din tyo na umiba naman sa nakasanayan. Ready na ang tao.”
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio