MAGALING NA ang premyadong director na si Joel Lamangan pagkatapos niyang tamaan ng covid-19 ilang linggo na ang nakakaraan. Inamin niya ang tungkol dito sa press people na dumalo sa preview ng MMFF movie niyang Isa Pang Bahaghari na pinagbibidahan ni Nora Aunor.
Aniya, “Dyusko! Bakit aayawan kong banggitin, hindi naman cancer. COVID naman yon. After 14 days (ng quarantine), tapos na!”
Hindi na rin daw kinailangang magpa-quarantine ng director sa ibang lugar.
“Sa bahay ko lang. Walang nahawa. Ay! Hindi pala! Si Jim (Pebengco) nahawa,” pag-amin niya.
Si Jim ang ay ang long-time partner na Direk Joel na kasama rin sa Isa Pang Bahaghari.
“Pero yung iba, hindi naman nahawa… wala. Kasi bawal pumanhik sa itaas (ng bahay). Nasa itaas ako, eh. Hinahatiran na lang ako (ng pagkain),” natatawa niyang kuwento.
Malaking tulong din daw sa kanyang paggaling ang pahinga at vitamins na iniinom.
“Vitamins lang at rest at positive thinking. Sabihin mo, ‘Mane-negative ako!’”
Ayon pa kay Direk Joel hindi raw siya natakot ma-covid.
“Mas masahol pa roon ang sakit ko. Inatake na ako sa puso. Hindi naman ako namatay! Dyusko, ang COVID!” bulalas pa niya.
Samantala, proud si Direk Joel sa performance ng mga artista niya sa Isa Pang Bahaghari. Bukod kasi sa hindi matatawarang galing ni Nora ay napakahuhusay din ng ibang cast ng pelikula katulad nina Phillip Salvador, Maris Racal, Joseph Marco, Zajoe Marudo, Michael de Mesa at Sanya Lopez.
“Lahat sila, mahusay rito, I’m very proud to say. Akala ko nga hindi ninyo magugustuhan,” wika pa niya. “Salamat naman nagustuhan mo,” sabi niya sa amin.
Sa palagay ba niya ay hahakot din ng awards ang Isa Pang Bahaghari sa MMFF?
Sagot niya, “I hope. I hope, I hope, I hope, I sincerely hope. Parang feeling ko kasi, naapi-api ito, eh, last year sa Metro Manila Film Fest, tapos naging Summer MMFF. So, para ngayon uli babawi ito!”
Ang Isa Pang Bahaghari ay prinodyus ng Heaven’s Best Entertainment (HBE) na siya ring producer ng Rainbow Sunset.