HINDI PA rin matapus-tapos ang usapin tungkol sa National Artist award na dapat sana’y ipinagkaloob ni Pangulong Noynoy Aquino kay Ms. Nora Aunor. Nagluksa ang movie industry, marami ang nalungkot dahil deserving naman talaga ang Superstar sa prestigous na award na ito.
Kinuha namin ang reaction ni Direk Joel Lamangan na siyang director ni La Aunor sa bago niyang indie fim na Hustisya, kalahok sa darating ng Cinemalaya this August.
“Nagpapakilala kung gaano kaungkaw ang pagtingin ng Pangulo sa aspeto ng kultura. Hindi niya naiintindihan kung gaano kalaki ang kontribusyon ni Nora Aunor sa aspeto ng sining at pelikula.
“Wala siyang (PNoy) alam. Wala siyang karapatang hindi ibigay. Karapatan lang niya, dahil Presidente siya. Pero sa katunayan kung titignan ang track record ni Ate Guy, siya lamang ang may track record na ganu’n karami, national at international recognition. Talagang dapat ibigay sa kanya, hindi lang si Nora ang kanilang inisnab. Inisnab niya ang artistic expression na kinakatawan ni Nora. Sa kumakatawan sa mga ambisyon, pangarap, kasawian, tagumpay ng mga ordinaryong tao na kinatawan ni Nora sa kanyang mga pelikula. Hindi maganda ang ginawa nila. Nagpapakilala lamang kung gaano kaungkay ang pagtingin ng Pangulo sa aspeto ng kultura at sining ng pelikula”
Pinagbasehan daw ng Pangulo ang mga controversial issue na kinasangkutan ni Ate Guy noon. “Tarantado pala sila, hindi pinipili ang santo. Sige nga, balikan nila lahat ang binigyan nila ng National Artist award? Lahat-lahat ba sila malinis? Magmula pa noong araw, wala. Kaya nga sila artista, rebelde sila, kaya sila nakakagawa ng sining dahil hindi sila sumasang-ayon. Gumagawa sila ng paraan para ibigay ang katotohanan sa pamamagitan ng mga sining nila. Sa sining ng kanta, sa sining ng pelikula, sining ng pagsulat. Inihahayag ang katotohanan kaya nga sinasabi natin sila ang kaluluwa ng bayan. Eh, hindi kinikilala ng kasalukuyang administrasyon…”
Hindi nagbigay ng pahayag ang Pangulo kung bakit hindi niya ginawad sa Superstar ang pagiging National Artist. Pawang tikom ang bibig ng administrasyon tungkol sa bagay na ito. “Hindi nga nila ma-explain kung bakit ? Kasi nga, ayaw i-explain kung bakit? National interest daw, bakit ba? Ano ba ‘yan, giyera ba? Ano ba ‘yung national interest ?”
Sa sariling pananaw ni Direk Joel kung bakit ayaw ibigay sa Superstar ang National Artist award, “Hindi ibibigay ng isang asendero ang isang award sa isang anak ng magsasaka. ‘Yun lang naman ‘yun, asendero ‘yan, eh. Hindi niya ma-accept na ang isang hamak na nagtitinda ng tubig, anak ng magsasaka bibigyan ng National Artist award. Hindi niya matanggap ‘yun, hindi niya matanggap na hindi niya kauri.”
Sa tingin kaya ni Direk Joel, may kinalaman si Kris Aquino tungkol sa usapin? “Saan ka nakakita ng Pangulo, dinidiktahan? Anong klaseng Pangulo ‘yan? Kung si Kris ‘yun, ang tanga-tanga naman ni Kris. Lalong hindi siya karapat-dapat na maging National Artist. Kung political ambiton, hindi ko alam kung ‘yan ang political. Lalong magbubukas ‘yan ng body of worms, lalabas. Lalong ikakatwa. Personal ito, simpleng bagay tulad ng pagbibigay ng alagad ng sining, hindi pa maituwid-tuwid. Akala ko daang matuwid, hindi nga matuwid. Mayroon bang ganu’ng daang matuwid?”
Sa mga pinagpilian, aside kay Ate Guy, sino pa ang karapat-dapat para sa National Artist Award? “Wala pang actress, puro director, first time kung sakali si Ate Guy. Maraming kandidato pero hindi ko alam kung sino talaga. Hindi ako eksperto, si Dolphy puwede ‘yun. Si Anita Linda, puwede ring bigyan na hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa.”
Kailangan bang mamatay ang isang pararangalan para mabigyan ng National Artist Award ? “Katarantaduhan ‘yun, kagaguhan ‘yun. Paano ma-appreciate kung patay na? Ewan ko sa kanila…”
Napag-usapan din ang latest film ni Direk Joel, ang Hustisya ni Ate Guy. Kakaiba raw ito sa mga pelikulang nagawa na ng Superstar, dahil hindi pa niya nagagawa ‘yung character na kanyang ipo-portray sa indie film na ito.
“Hindi siya api rito, siya ang nang-aapi. Masamang tao siya rito, na pumapatay siya rito. Totoong tao siya rito, nagmumura siya. ‘Yun. Kakaiba, naiiba si La Aunor sa pelikula ito. Marami siyang ginawang kakaiba…”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield