KAHIT panahon ng covid-19 pandemic nitong nakaraang dalawang taon ay ratsada pa rin sa paggawa ng pelikula si Joel Lamangan. Sa loob ng naturang dalawang taon ay more than a dozen movies na rin ang nagawa ni Direk Joel.
Ayon sa direktor ng Biyak (3:16 Media Network) na kasalukuyan niyang tinatapos gawin at ng Island of Desire ng Viva Films na streaming sa April sa Vivamax, isa sa itinuturing niya na pinakamagandang nangyari sa buhay niya nitong pandemic ay ang maging matapang sa pagharap sa health crisis habang gumagawa ng mga pelikula.
“Ang pinakamagandang nangyari sa akin ay naging matapang ako. Hindi ko inalintana na baka magkasakit ako. Tinapangan ko dahil maraming taong nangailangan ng hanapbuhay lalo na sa industriyang kinabibilangan ko. Kami ay nag-usap-usap na tapangan lang ang aming sarili at maag-ingat at gawin lahat ng protocol,” simulang pahayag ni Direk Joel sa amin.
“Ang kauna-unahang pelikula na ginawa ko ay ang Lockdown. Talagang naglakas-loob kami para magawa ang pelikula kahit na may covid para lang hindi makaranas ng gutom ang maraming tao at napatunayan naman namin na wala namang nagkasakit sa amin, eh. Sa lahat ng mga ginawa kong pelikula wala namang tinamaan ng covid in the process of doing the movie. Ang kailangan lang talagang sundin nang masugid ang protocol,” paliwanag ni Direk Joel.
“Dahil walang gumagawa ng pelikula maraming walang pera. Ang daming taong lumalapit sa akin humihingi ng pera, nangungutang dahil wala na silang panggastos sa kani-kanilang buhay. Kaya sinabi ko, pag itinigil ko ito (paggawa ng pelikula) lalo silang dadama kaya dinire-diretso ko para makatulong sa mga taong nangangailangan din. Pero sa awa naan ng Diyos wala namang nagkasakit sa lahat ng t ao – crew and stars – ng covid,” patuloy niyang pahayag.
Bida sa pelikulang Biyak sina Quinn Carillo, Albie Casino, Angelica Cervantes at Vance Larena. Ang Island of Desire naman ay pinagbibidahan nina Christine Bermas, Jela Cuenca, Rash Flores at Sean de Guzman.
So far, wala raw namang nagiging problema si Direk Joel sa mga baguhang artistang nakakatrabaho niya ngayon.
“Lahat sila aktor, lahat sila professional alam nila ang ginagawa nila. Kapag hindi ka professional, hindi mo alam ang ginagawa mo, hindi ka handa. Lahat sila handa at willing silang makinig sa instruction na nanggagaling sa direktor at ini-execute nila ng tama dahil mga intelligent actors ang mga yan,” pagmamalaki pa niya.