AS COUNTLESS AS her acts of generosity, hindi na rin mabilang ang mga hosting hallmarks ng kaibigang Cristy Fermin, the latest of which was her exclusive interview with Rosario “Ayong” Quintano, ina ni Janelle Manahan na nobya ng pinaslang na si Ram Revilla, in last Sunday’s edition of Paparazzi.
Sa dalawang bahagi ng naturang panayam—na ayon mismo kay Cristy ay tinrabaho niya nang isang linggo upang mapapayag ang kanyang alumpihit na subject—mas nangibabaw ang perspektibo ng pagiging isang ina ni Ayong.
Ina sa ina ang paghaharap na ‘yon, Cristy found an appropriate pasakalye, ‘ika nga, bago niya inilatag kay Ayong ang mga tanong na suwabe muna sa simula, pero patungo sa direksiyong sapul ang damdamin ng isang nanay na namimighati sa kalunus-lunos na sinapit ng kanyang nag-iisang anak.
In showbiz circles, hindi ikinakaila ni Cristy ang kanyang buong pagmamalaki sa pagkakaroon ng isang natatanging anak, she shares the same feeling with Ayong who’s only blessed with a child, na sa panahong dapat sana’y malaya na itong nakapamumuhay nang masaya sa piling ng isang mapagmahal na nobyo ay saka naman dumating ang matinding pagsubok.
Bilang live audience ng hapong ‘yon sa Paparazzi, natabunan ng aming atensiyon ang aspetong legal kalakip ng kasong frustrated murder kay Janelle, and such attendant factors that may result in the determination as to who were the real perpetrators behind the gruesome crime.
May next year pa man ipagdiriwang ang Mother’s Day, pero nauna nang magpatikim ang Paparazzi ng isang natatanging kuwento tungkol sa isang ina whose love for her daughter is boundless.
KNOWN FOR HIS intelligent comments, binatikos ni direk Joey Reyes ang current state ng Philippine TV: “Dismal!”
An alumnus of DLSU, sa pamantasan ding ito nagtuturo ang prolific director ng writing for TV, admittedly his number one passion next to teaching and directing. Ayon kay Reyes, nag-stagnate daw ang istado ng telebisyon as opposed to the increasing development of local cinema.
But there are exceptions though. Puring-puri ni Reyes ang May Bukas Pa at 100 Days To Heaven, the now-defunct shows of ABS-CBN that respectively starred virtually nameless child actors but were good enough materials that conversely translated to top ratings.
“But it cannot be like that forever. I’ll be sick if I see another TV show that stars another child actor, it’s like the ‘hot pandesal phenomenon’ before,” prangkang sabi ni Reyes when we disturbed his unguarded moments bago dumating ang mga bidang sina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos in his—hold your breath—65th film to date, ang My Househusband: Ikaw Na, an entry to this year’s Metro Manila filmfest.
As if his “dismal description” of the present state of TV was not enough, sinisisi rin ni Reyes ang umano’y pangmamaliit natin sa ating mga manonood. “It’s we who make them stupid, based on the kind of shows that we give them. And there are the bad words that the TV networks consider: originality, innovation and development.”
While listening to Reyes, it was as if we belonged to his TV writing class. Very well said, direk.
BAGO PA MAN nakarating sa studio ng Face To Face, pinabaunan na ni Jennifer ng blackeye ang kanyang biyenang hilaw na si Aling Mayet. Himutok kasi ni Jennifer, pagte-text umano ang inaatupag ng matanda kaya namatay ang inihabilin niyang anak nila ni Bryan, anak naman nito.
Kinukunsinti rin daw ng matanda ang pagiging batugan ni Bryan, kaya ang ending, sa kalye na tuloy sila nakatira. Ito ang kuwentong nakapaloob sa episode ngayon ng naturang programa na pinamagatang Jowa Kong Mama’s Boy, Hinayaan Kaming Maging Palaboy Kaya Namatay Ang Aking Baby Boy!
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III