Hiniling ni Direk Perci Intalan sa publiko na suportahan ang kanilang pelikulang “Anino sa Likod ng Buwan” na ipalalabas na sa July 20, 2016. Nagka-aberya kasi ang regular theater run nito dahil sa mga pirata at napaulat na tulad ng nangyari sa “The Achy Breaky Hearts” nina Jodi Sta Maria, Ian Veneracion, at Richard Yap na lumabas sa FB ang kopya ng naturang pelikula.
“Humihingi kami ng suporta sa mga tao, please do watch the movies sa cinemas during theatrical release. Sana huwag na nilang i-patronize ‘yung online piracy kasi nakaka-damage hindi lang sa aming producers kundi sa movie industry mismo. Tapos ‘yung iba isine-share pa sa social media like sa Facebook. This appeal is not only for our movie kundi para sa lahat ng local films lalo na iyong lalabas pa lang,” wika niya.
Dagdag pa ng dating TV5 executive, “Ganito kasi ang nangyari, after naming nakakuha ng MTRCB permit na R-18 (Approved Without Cuts) at CEB rating (Graded A), naglakas- loob na kami na maghanap ng sinehan na puwedeng magpalabas sa “Anino Sa Likod ng Buwan”. We expected naman that not many cinemas would be interested, kasi art film kami, lalo na’t R-18 siya, alam na namin na hindi ipapalabas ng SM Cinemas. But sabi nga ni Jun (Lana), kahit very limited lang na run, okay na with him. Magkaroon lang ng chance ipalabas sa sinehan at mapanood ng audience, lalo na ‘yung mga college students na dapat mamulat sa mga nangyari sa Marag Valley noong 1990’s.
“Natagalan kaming makakuha ng response, so humingi na kami ng tulong kay Roselle Monteverde to try their bookers. Then nagulat kami when the bookers told them na isang concern is may pirated copy ng ‘Anino’ online. We checked and found the site, may poster, may trailer pa kuno, pero dead link naman. Unfortunately, the damage was done. Ang hirap na ngang ipalabas ng film namin, nagkaroon pa ng impression na napapanood na online.
“Fortunately, nagkaroon ng opening sa schedule on July 20 at thankful kami kasi Gateway Cinema and Gaisano Cinema in Davao, Toril, Tagum and Digos were willing to screen ‘Anino’. We grabbed the opportunity na kasi baka matagalan pa bago magkaroon ng ganitong chance.”
Nagpahayag din si Direk Perci ng kalungkutan sa kulang na suporta sa de-kalidad na pelikulang gawa ng mga Pinoy filmmakers.
“Nakakalungkot rin kasi ang laging ginagawang dahilan ng mga tao ay kesyo hindi daw de-kalidad ang mga pelikula natin, kesyo pare-pareho na lang daw-na hindi naman totoo. Tapos kapag nagkaroon ng mga pelikulang ganito, pahirapan pa rin para tangkilikin ng audience natin.
“But I am optimistic na unti-unti nang nagbabago ang audience. Dumarami na ang nanonood kahit papaano. I wish mas dumami pa talaga. Pelikula natin ito, kultura natin at pinapalakpakan sa ibang bansa. Dapat ipagdiwang natin at bigyan ng importansiya kasi atin ito, maipagmamalaki!”
Ang “Anino Sa Likod ng Buwan” ay tinatampukan nina LJ Reyes, Luis Alandy, at Anthony Falcon. Ito’y idinirek ni Jun Lana at mula sa IdeaFirst Company and Octobertrain Films.
Ito’y nanalo na ng Best Director para kay Direk Jun sa Pacific Meridian Film Festival sa Russia at Kerala Film Festival sa India. Si LJ naman ay nanalong Best Actress sa Pacific Meridian sa Russia at sa 39th Gawad Urian. Nanalo rin ang pelikula ng FIPRESCI Critics Prize at NETPAC Best Asian Film sa Russia.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio