AFTER THREE YEARS, nagbabalik-telebisyon si Kokey sa naiibang adventure na kanyang mararanasan here on earth. Sa Kokey @ Ako, gagampanan ni Toni Gonzaga bilang si Jackie na–abduct ng aliens ang mga magulang noong bata pa siya. Naging misyon niya ang paghahanap ng extra-terrestrials para makita na rin ang mga magulang.
Super-excited ang blockbuster comedy director na si Wenn Deramas na mapanood ito ng masang Pinoy starting September 20, Monday. “Ito’y hindi lang basta sequel, nagsimula halos kasabayan ng present story ng Kokey Season 1. Para lang akong naglalaro noong gawin ko ang part 1. Pero ngayon, gising na gising na ako at sinisiguro kong magugustuhan ito ng buong pamilya lalo na ng mga bata,” sey ni Direk Wenn.
Sa trailer pa lang, riot na sa katatawanan ang bawat eksena ng nasabing fantaserye. Patatawanin kayo to the max nina Vhong Navarro, Melai Cantiveros at Jason Francisco. Balik-tambalan naman sina Toni at Vhong, perfect sila as comedy loveteam. Hindi kaya dumating sa point na nagparamdam ang Prince of Comedy sa dalaga?
“Walang ganu’n, friends lang talaga kami ni Vhong. Hindi namin binibigyan ng malisya ‘yung mga bagay-bagay. Maganda ang working relationship namin so, ayaw naming masira ‘yung friendship na mayroon kami. Kita naman ninyo kung gaano kami ka-relax sa isa’t isa, kaya naiibibigay namin ‘yung best sa bawat eksena. Bale reunion namin ito, hindi na kailangang mag-adjust, mailang, dahil magkaibigan kami,” pahayag ni Toni.
Tinanong namin si Direk Wenn kung nahirapan siyang i-direk sina Melai at Jason. “Noong pinapanood ko sila sa bahay ni Kuya, sabi ko, hindi ko sila gustong i-direk, dahil ang feeling ko uma-acting lang sila sa loob ng bahay ni Kuya. Pero nang maging artista ko si Melai, nagulat ako, may timing sa pagpapatawa, mabilis ang pick-up, nakakaarte. Natural sa kanya ang pagiging komedyante, hindi put on, kung ano siya sa totoong buhay ganu’n siya on screen, masayahing tao.
“Nakakasabay si Melai kina Toni at Vhong sa mga eksenang nakakatawa. Magaling siya, kung minsan nga mas mataas pa ang energy niya sa dalawa. Sasabihin ko lang sa kanya kung ano ang gagawin, naidi-deliver naman ni Melai nang maayos, higit pa sa dapat kong asahan. Natural, hindi pilit ang pagpapatawa niya,” papuring sabi ng box-office director.
Si Melai na kaya ang bagong Ai Ai delas Alas sa buhay ni Direk Wenn? “Nag-iisa lang si Ai Ai sa puso ko at walang puwedeng pumantay sa kanya bilang Comedy Queen. Hindi natin puwedeng i-compare si Ai Ai kay Melai. May kanya-kanya silang style sa pagpapatawa. Ngayon palang nagsisimula si Melai, marami pa siyang dapat matutunan. Malayo pa ang kanyang lalakbayin para maging isang Ai Ai delas Alas, at alam niya ‘yun.”
Matagal na palang pinangarap ni Toni na makatrabaho si Direk Wenn. “Totoo ‘yan, marami kasi ang nagsasabi sa aking masarap katrabaho si Direk. Maging kapwa ko artista, panay papuri ang sinasabi kay Direk. Hindi lang siya magaling na direktor, masarap din siyang kaibigan. For the first time, ngayon lang nangyari sa akin na magkuwento ako ng mga bagay-bagay tungkol sa personal kong buhay. Kay Direk Wenn, naramdaman ko ‘yung true friendship, alam kong sa aming dalawa lang ‘yung na i-share ko sa kanya,” kuwento ng Ultimate Multimedia Star.
Naging maganda ang bonding ng buong cast, nagkaroon ng pagkakataong maging close sina Toni, Melai at Jason. “Natutuwa ako kina Melai at Jason, humihingi sila ng advice sa akin about their relationship. Ano ‘yung dapat at hindi dapat gawin sa isang relasyon at kung anu-ano pa. The way I look at it, masaya sila and I’m happy for both of them,” simpleng sabi ng TV host/singer.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield