FABULOUS ANG ibinigay na birthday party ni Wenn Deramas sa bunso niyang anak na babae na si Raffi Deramas na nag-celebrate ng kanyang 5th birthday sa Tivoli Clubhouse last April. Mala-Frozen ang concept ng production design ni Dani Cristobal. Naka-Elsa outfit si Raffi habang inaawit nito ang Disney theme song dedicated to his loving Daddy Wenn.
Bonggacious ang birthday giveaway ni Raffi para sa mga kids, worth almost one thousand pesos per bag ang halaga nito. Gusto lang ni Direk Wenn na pasahin ang kanyang anak pati na rin ang mga bata with their parents. Super busy ang box-office director sa pag-aasikaso ng mga guests. Naghintay lang kami ng pagkakataong makausap ang award-winning director nang mag-join na ito sa table namin.
Ready for shooting na pala si Direk Wenn ng pelikula nila ni Pokwang at Richard Yap under Star Cinema. “Naghihintay na lang kami ng shooting. Nag-meeting na rin kami para sa pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin. ‘Yung kay Claudine Barretto, naghihintay na lang kaming mai-pitch kay Piolo pascual ‘yung concept, may treatment na rin ‘yan. Si Piolo, interesado naman siya sa project with Claudine,” sabi ni WD.
Tatlong pelikula ang nakaabang na gagawin ni Direk Wenn for this year na pare-parehong magsisimula. Siyempre ang unang gagawin niya ay ang Aswang. Si Divina Valencia ang gaganap na nanay ng mga aswang. ‘Yung Vice Coco, hindi pa makapag-decide ang management kung October or December.
Ayon kay Direk Wenn, dapat dalawang pelikula ang gagawin ni Vice. Pero mukha raw hindi kakayanin ng schedule ng singer-comedian. “Dapat ang pang-Metro Manila Film Festival ay Vice, Daniel Padilla, at Kathryn Bernardo. Walang kasigaruduhan kung matutuloy nga itong project this year. Puwedeng maging Coco-Vice.
“Sila ang nagdi-decide kung aling project ang mauuna, Vice-Coco o Vice, Daniel at Kathryn. Ayaw ko munang makialam. ‘Yung movie project kong dalawa na Claudine at Pokwang, akin ‘yung concept. ‘Yung Coco at Daniel, concept ‘yun ng Star Cinema, pati istorya.”
Mukhang mahihirapan si Direk Wenn gawin ‘yung dalawang pelikula ni Vice dahil na rin sa hectic schedule nito. “Hindi ako sure kung kaya kong gawin pareho ang Vice-Coco at Vice-Daniel. ‘Yung kay Daniel naman, ang problema du’n, maganda pero hindi kakayaning matapos agad. Kung magsisimula kami ng September or October hindi matatapos. Parang pang-isang taon ‘yung concept nito. Kung gusto talaga nila ng Daniel at Vice, hindi dapat ‘yun ang istorya. Kasi ‘yung gusto nilang istorya ay parang pang-one year in the making. Matindi sa effects, may pagka-fantasy. Parang Batman at Robin ‘yung Vice at Daniel, ang hirap kaya nu’n,” paliwanag ng box-office director.
Present din si Ai-Ai delas Alas nang gabing ‘yun kaya natanong namin kay Direk Wenn kung masaya ito sa Kapuso Network. “Kami naman ni Ai-Ai, kahit lumipat siya ng ibang istasyon, nag-uusap kami almost everyday sa Viber, nagbabalitaan. Sabi nga niya sa akin, ‘yung desisyon niyang ‘yun siyempre, mawawalan at mawawalan siya ng kaibigan du’n sa dati niyang istasyon (ABS-CBN). Isa lang ako du’n sa kaibigan niya na walang mababago kahit anong mangyari.”
‘Yung movie nina Direk Wenn at Ai-Ai, siguradong tuloy ‘yun sa Viva Films dahil naniniwala siya sa project. “Magsisimula kami ng January or Febrary 2016. Wish ko lang, sana makapag-concentrate ako sa Claudine, Pokwang-Richard, at saka Coco-Vice. Si Vice magko-Coco, si Coco magba-Vice,” wika niya.
Nalulungkot lang si Direk Wenn dahil malapit nang magtapos ang seryeng niya Flordeliza. Hindi raw tinupad ng management ng Kapamilya Network ang pangako nilang extension sa nasabing show. Sila ang nakiusap kay Direk Wenn ng extension, 13 episodes. Sa totoo lang, kinarir ng butihing director ang Flordeliza para itaas ang rating nito to 15.3%. Same rating ng Inday Bote ni Alex Gonzaga na pang-primetime.
Nalaman din namin kay Direk Wenn na magtatapos na ang kontrata niya sa ABS this September. Depende kung iri-renew nila ang kontrata ko. Basta may trabaho, I’m not closing my door. Basta ako ay isang tao kung saan may trabaho du’n ako.”
Hindi kaya mag-taas ng TF si Direk Wenn if ever i-renew ng Kapamilya Network ang kanyang kontrata? “Hindi ko alam, bahala ang manager ko (June Rufino). Kung ano ‘yung contract, kung ano ‘yung sinasahod ko sa ABS, kuntentong-konteno na ako. Kapag sinabi nilang pirmahan uli tayo ng kontrata, ‘yung amount the same, okay lang sa akin. Happy ako sa suweldo ko. I just hope happy sila sa akin. Hapon na nga ang ginagawa kong teleserye, wala sa akin basta may trabaho. Ilalagay ko nga sa primetime, tapos maliit ang suweldo mo. Du’n na ako sa pang-hapon, malaki ang suweldo ko,” turan ng magaling na director.
Usong-uso ngayon ang Dubsmash, kailan kaya natin makikita si Direk Wenn gumawa ng Dubsmash? “Hindi na ako nakikikisali sa Dubsmash. Natutuwa akong ginawa na nina Aiza Esguerra ‘yan. Sina Aiza ang nagsimula at saka misis niya. Ang dami na, mag-iisip na ako ng akin. Gusto kong mag-abroad, sana matuloy ako ng October. Kasi kapag nagawa ko ang Coco-Vice na pang-festival, maaga siyang matatapos.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield