NASA CLOUD 9 ngayon si Direk Wenn Deramas. Super mega-hit ang kanyang pelikulang Best Friends Forever nina Sharon Cuneta at Ai Ai Delas Alas. Sa bawa’t tagumpay niya, nand’yan ang kanyang pamilya na nagsisilbing inspirasyon, ang partner na tunay na nagmamahal, naninindigan at umuunawa, maging sino pa man – siya!
Sa bawa’t relasyon pinagdaanan ni Direk Wenn, anong lesson ang natutuhan niya? “Hindi dapat nakasalalay ang kaligayahan mo sa isang tao. Kasi, nang ipanganak ka naman isa ka lang, wala naman akong kakambal. Kapag namatay naman ako, hindi naman siya sasama sa kabaong para damayan ako roon, ‘di ba? So, bakit parang papatayin mo ang sarili mo dahil lang sa nawala siya. So, ‘pag nawala siya… ang ganda ko, ang puti ko, makinis, bakit hindi palitan, ‘di ba? Hahaha! Ganoon ang buhay,”nakaaaliw na sabi ni Direk.
Ilang percent ang ibinibigay niya sa bawat nakakarelasyon niya? “One hundred percent, lahat ng mga ex-boyfriend ko, hanggang ngayon hindi sila maka-recover. Kasi, ibinigay ko ‘yung lahat, ibinigay ko. So, ‘pag nag-split kami, ibig kong sabihin, naibigay ko ang lahat, wala tayong unfinished business. Ibig sabihin, siya ‘yung hindi nagbigay ng one hundred percent. Siya ‘yung manghihinayang sa nawala sa kanya,” turan niya.
Sabi nga, ang hirap maging bading, kadalasan ikaw ang iniiwan. Sa kaso niya, ano ang kadalasang nagiging dahilan ng kanilang hiwalayan? “Siyempre, kahit ano’ng sabihin at gawin mo, bakla-bakla tayo. Ibig sabihin, hindi mangingibabaw ‘yung love, puwera na lang kung pareho kayong bakla. May lokohan somewhere d’yan. Naibibigay ko ‘yung needs noong tao. Oo nga’t nandito ako pero may extra activities ‘yan, ‘di ba? “‘Yun ang hindi ko kaya, selosa ako,” paliwanag ni Direk Wenn.
Selosa, in what way? “Naniniwala lang ako na kung ikaw ang boyfriend ko, nag-commit ka, dapat tayo. Hindi puwedeng nagtataksil, kasi hindi puwede ‘yung sinasabi ng iba, babae naman ‘yun, bakla ka naman – mali! Kasi ang unfaithfulness, ang pangloloko, pagtataksil walang gender. Ibig sabihin, ‘pag nagtaksil, masakit, masasaktan ako. How can you say that you love me kung sinasaktan mo ako? That’s stupidity! Hindi mo ako totoong mahal, why prolong the agony, ‘di ba ? Ganoon ang nagiging ending lagi ng relationship ko before.
“Kaya nga ako, nakikipaghiwalay man, mataas naman ang tingin ko sa sarili ko. Hindi ako pang-dalawahan, puwede kong i-share ang ginataan ko, pero hindi ko puwedeng i-share ang love ko. Akin lang ‘yun, bakit ko kailangang i-share?
“Hindi naman talaga nakakapagod ang magmahal, kasi lagi kong iniisip na ikaw ang nawalan, hindi ako. Pagkatapos ng isang relasyon, asahan mo mas maganda ako kaysa sa dati. Siyempre, medyo iiyak ka muna sandali, pinakamatagal na siguro ‘yung two weeks. Magpapaganda ako para una, ‘pag nagkita tayo uli, ay, iba siya ngayon! Pangalawa, mayroon akong bagong boyfriend – may pilay ‘yan sa kanila!
“Ako, kapag ayaw ko na, ayaw ko nang talaga. Kung mayroon naman d’yang kamukha ni Bratt Pitt, kakainin mo naman, bakit ang hindi? Nagugutom ako – ganoon,hahaha! Kiyeme-kiyemeng ganu’n!”
Tipo niya sa lalaki? “Ayaw ko ng gay, lagi akong sa straight, palaging issue namin, sinong babaeng ‘yan? Hahaha! Maganda ba siya? Kung gay, ang pangit naman, ikaw ba ang nagnakaw ng playgirl ko? Ayaw ko ng ganoon, at least, ako kahit papaano nai-insecure sa akin ang babae, ‘di ba? Ako naman, sa mga kuwento ng ex-boyfriend ko rin, mahal ako ng nanay ng mga ex-boyfriend ko. Lagi ‘yan, gusto nila ako. Alam kasi nilang inaalagaan ko ‘yung anak nila. Ang mga nanay competitive ‘yan sa mga babae, at least sa bading hindi diretsong kakumpitensiya,” pahayag ni direk Wenn na very confident sa kanyang sarili.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield