SPEAKING OF Wenn Deramas, hawak pa rin ni Direk ang korona as blockbuster director of all time. Almost P500 million ang kinita ng The Amazing Praybeyt Benjamin sa MMFF 2014. Bawat pelikula niya, palaging patok sa takilya. Hindi itinanggi ng award-winning director na may pelikula rin siyang hindi kumita. Lahat naman ng director ay nakakatikim din naman ng flop. Normal lang ‘yun sa isang director, depende raw ‘yun sa budget, artista at istorya kaya hindi kumita ang ang pelikula.
Suwerte nga si Vice Ganda dahil si Direk Wenn ang buong pusong nagtiwala na bigyan siya ng solo movie sa tulong ni Boss Vic del Rosario ng Viva Films na i-launch siya sa pelikulang Petrang Kabayo na super hit sa takilya. The rest is history, nagkasunud-sunod na ang movie project ni Vice sa Viva at Star Cinema na lahat ay box-office success.
Kailangan bang si Wenn Deramas ang director ni Vice sa bawa’t pelikulang gawin nito? “Napag-usapan na namin ang bagay na ‘yan. Minsan nasabi ko kay Vice na subukan naman niyang magpa-direk sa ibang director. Hindi ‘yung ako na lang palagi. Ang sa akin lang, gusto kong ma-experience niya ang ibang comedy director. Nand’yan si Direk Cris Martinez, magaling siya sa comedy. Gusto ko ang mga pelikula niya. Sabi niya sa akin, gamay na niya ako at nagkakaintindihan kami sa bawat eksenang kukunan. ‘Yung bang mabilis naming napi-pick-up kung ano ang gusto naming mangyari sa isang eksena. Well, it’s true, may chemistry kaming dalawa, kuha niya agad kung ano ang nasa isip ko,” paliwanag ni Wenn D.
Ayon kay Direk Wenn, kung si Vice-Ganda ang tatanungin, 2 films a year. Depende raw ito sa schedule ng comedian. Sa dami ng commitment ni VG, kakayanin kaya niya? “‘Yun nga, may mga series of shows pa siya abroad, concert. Ako naman, busy rin ako sa Flordeliza nina Marvin Agustin at Jolina Magdangal, Monday to Friday. May naka-line-up pa akong pelikulang gagawin sa Viva at Star Cinema. Pareho kaming busy, baka hindi magtugma ‘yung schedule namin kung gagawa kami ng pelikulang hindi pam-festival.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield