AT LAST, binigyang kasagutan na ni Wenn Deramas ang issue tungkol sa paghihiwalay nila DJ Durano at pati na rin ang pagpasok ni Jeff Luna sa buhay ng box-office director. Hindi na in-elaborate pa ni Wenn kung ano talaga ang mabigat na dahilan ng hindi nila pagkakaunawaan ng actor. Bigla na lang pumutok ang balita, tapos na ang magandang samahan ng dalawa na tumagal ng sampung taon.
Marami ang nakapansin, hindi na kasama si DJ sa cast ng pelikulang Bromance ni Direk Wenn na pinagbibidahan ni Zanjoe Marudo under Skylight Films.
“Ang totoo n‘yan kung bakit wala siya sa pelikulang ito ay dahil may dalawa siyang ginagawa, ‘yung “Nagalit Ang Buwan” at “Huling Henya”. Natatandaan ko, parang nagkakagulo pa dahil parehong TTHS ang schedule. Ang pelikula ko ay TTHS, ang TV ko MWF, kaya siya wala rito. Siguro sa mga darating na panahon, hindi na rin siya makikita,” may laman ang binitawang salita ng box-office director.
Diretsong inamin ni Direk Wenn na hindi sila in good terms ngayon ni DJ. Ayaw na nitong mag-elaborate pa kung bakit? Ang tanging nasabi niya, “Siyempre, may mga panukalang batas sa buhay niya na hindi ko sinasang-ayunan o pinaniniwalaan. Kung tatanungin mo ako, if we’re okay, we’re not okay.”
Sa tingin kaya ni Direk Wenn, may pag-asa pang magka-ayos sila ni DJ? “Sana, ako naman lahat ng mga nakakagalit, nakakatampuhan, eventually naman naaayos. Napakaliit ng mundo ito para hindi kayo magkaayos-ayos, ganu’n. Dasal siya, magkabati kami.”
Sa hindi pagkakaunawaan nina Direk Wenn at DJ, gumawa ba ng paraan ang magaling na actor para kausapin siya at magkaayos sila? “Siguro, kung siya ang tatanungin ninyo, siya ‘yung pamimiliin, ayaw niya itong nangyaring ito na hindi kami okay, magkagalit kami. Siguro, sobra niya akong kilala, hindi muna siya ngayon gagawa ng effort para magkaayos kami,” paliwanag nito.
Hindi kaya naghihintay lang ng tamang panahon si DJ para kausapin si Direk Wenn, magpaliwanagan para magkaayos na sila? “Hindi ko alam kung ano ‘yung tumatakbo sa utak niya sa ngayon. I thought, I knew, pero hindi pala.”
Kahit hindi aminin ni Wenn D., hindi maitatangging naging bahagi na ng buhay niya si DJ. Kahit papaano may kirot na iniwan sa puso niya ang paghihiwalay nila.
Paliwanag ni Direk,“Siguro, alam mo, hindi ikaw ang may kasalanan. Kumbaga, hindi ikaw ‘yung gumawa ng gulo. Wala ka nu’ng kahit anong pain o kahit anong mararamdaman na hindi maganda. Siguro sa part niya, if only naging honest lang ang isang tao, ‘di ba? Ako, kilala mo ako, black and white, yes or no lang ako. Madali akong makaintindi, madali akong umunawa, wala lang lokohan. Kapag pumasok ‘yun, ‘yung sinasabi kong black and white na lalagyan ng tabing, sumasara, lumiliit ako kapag niloko mo ako. So, ganu’n lang ‘yun siguro. Eventually, naniniwala ako sa tamang timing ng lahat ng bagay. Ang buhay ko ay nasa laging magandang timing. So, ‘yung mga ganitong bagay, ipagpasa-Diyos na lang natin.”
Sa puso ni Direk Wenn, napatawad na kaya niya si DJ? “Hindi ko pa kasi naririnig na, Wenn, I’m sorry. So, papaano ka magpapatawad kung hindi naman humihingi ? Diyos ko naman, hindi naman humihingi, ibibigay mo, ‘di ba?”
Sa pagkawala ni DJ sa buhay ni Wenn D, walang kaabog-abog ang biglang pagdating ng indie actor na si Jeff Luna (introducing sa Bromance) at kasama rin sa cast ng pelikulang “Oh Mama Mia” nina Maricel Soriano at Eugene Domingo. Iniintriga ang magaling na director na ang indie actor na raw ngayon ang kapalit ni DJ.
“Si Jeff Luna ay bago kong kaibigan. Nagkataon na isa siyang indie actor na may pangarap. Matinong tao, mabait, humingi ng tulong, tulungan,” turan niya.
Ikinuwento ni Direk Wenn kung papano sila nagkakilala at naging magkaibigan ni Jeff. “Nanood ako ng pelikula niya minsan, tapos, nagkakilala kami. Tapos, ganu’n na, nagkita, mabait pala, nagkakuwentuhan. Tapos, du’n mo nakilala ‘yung tao. Tapos, lumaon pa, mas nakilala mo ‘yung tao, ganu’n. I’m not denying the fact na palagi ko siyang kasama. Nandito na naman ako sa punto ng buhay ko na relax lang ang lahat. Kung mayron, mayron, kung wala, wala, ganu’n lang tayo. Ang nangyayari sa akin ngayon ay maganda naman. Mayroong hindi masyadong maganda pero hindi ko iniisip ‘yun. Ang iniisip ko lagi, ang daming kapalit.”
As a director, malaki ang paniniwala ni Wenn D na magiging isang magaling na actor itong si Jeff Luna kaya’t gusto niya itong tulungan. “Yeah, para mayroon namang katuturan ‘yung ginagawa mong pagtulong sa kanya. Eventually, kahit sinong nagsisimula ay may mapuntahan. Galing siya sa indie film na may hubaran, ganu’n and okay na okay lang sa akin ‘yun dahil nirerespeto ko ang kakayahan ng bawat isa. Mula fifteen years old naggaganyan na ‘yan, nag-i-indie film na ‘yan. So, siya ‘yung masusunod sa buhay niya. Ngayon gusto naman niyang sumubok ng mainstream, ibigay natin,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield