NAGING SENTRO NG usapan namin ni direk Wenn Deramas ang pagbabagong anyo ni Rustom Padilla into BB Gagandanghari, na walang takot na ibinandera ang pagiging bading niya na ikina-shock ng publiko.
“Katulad ni BB Gandanghari, hindi ko siya kilala. Kasi ang best friend ko dati ay si Rustom Padilla. Sabi niya, patay na si Rustom so, patay na ang best friend ko. Madali naman akong kausap, eh. Wala naman akong pakialam kung maging killer siya, basta huwag lang ako! Even before that, naghiwalay na ‘yung friendship namin. America days pa namin,” pasimula ni Wenn.
Nangangarap kaya si Wenn na maidirek si BB sa mga susunod niyang project? “Hindi! Hindi naman siya nakakatawa, hindi naman siya komedyante. Komedyante ba siya? Si BB Gandanghari, gusto niyang maging model, pabayaan nating maging model siya. Ang dami namang direktor na puwede siyang idirek, ‘di ba? Bakit naman kasi sa akin n’yo sinasabing idirek ko siya. Hahaha!”
Alam nating malaki ang maitutulong ni Direk Wenn sa showbiz career ni BB kung sakali. Ano kaya kung personal na lumapit si BB sa kanya at makiusap? “Busy ako, wala akong time, madali naman akong kausap. Ayaw ni Cathy Garcia Molina n’yan! Si Rustom ang paborito kong idinidirek, dati na kaming nagkasama ni Rustom sa soap. Best friend kami dati. Sinabi ba niya kung kanino siya unang-unang nag-open sa pagiging bading? Siyempre, hindi niya sasabihing sa akin siya unang nag-confide, ‘di ba? Alam mo kung bakit ko ito nasasabi nang walang takot, kasi we used to be very very good friends. Natutulog kaming magkatabi na walang nagaganap na alingasngas. Sabi ko nga, sa akin siya unang nagtapat at mahal ko si Rustom. Kung baga sa mag-asawa, nag-split, bilang magkaibigan, nag-split,” sabi ni direk Wenn.
Sa tono ng pananalita ni Direk Wenn tipong nagkatampuhan ang dalawa. “May mga dati kaming issues na nag-ano, nawala, personal issues. Siguro ayaw ko, ayaw niya. Definitely, hindi kami magkagalit, nagpapansinan naman kami kapag nagkikita.”
Naramdaman namin kay Direk Wenn malalim ang pinagsamahan nila ni Rustom kaya hindi ganoon kadali para talikuran ang dating kaibigan. “Ganito kasi ako bilang kaibigan. Kapag negative ka, i-try kong maging positive ka. Kapag ayaw mo, iiwan kita, kasi baka mahawaan mo ako. Para sa akin, hello! Hindi siya bata, kung siya 16 years old, maiintindihan ko siya. Ang gusto niya intindihin ko siya nang intindihin sa kalokohan, sa kagagahan niya. Ako hindi, it’s your life. Huwag mong isisi sa ibang tao. May mga bagay na nangyari rin sa buhay ko, pinabayaan ako ng tatay ko. Nagsumikap ako para ‘pag nagkita kami ng tatay ko na patay na rin ngayon, sabi ko sa sarili ko, thank you, pinabayaan mo akong naging matatag. So, siya marami siyang issues tungkol sa sarili niya at hindi niya ako masasabihan na hindi ko siya sinuportahan. Diyos ko! Sinuportahan ko siya nang todung-todo, hindi ako galit sa kanya,” mahabang litanya ni Direk Wenn.
Sana lang, dumating na ang panahon para maghilom ang sugat na nilikha sa isa’t isa ng dating bestfriends.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield