NANG PASYALAN namin si Wenn Deramas sa shooting ng Mama Mia, sinagot nito ang mga bagay-bagay kung bakit hindi natuloy ang pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy nina Vice-Ganda at Maricel Soriano. Mas nauna pa niyang gawin ang movie nina Maria at Eugene Domingo.
Paliwanag ni Direk Wenn, “Tuloy lahat, walang hindi tuloy, nagka-rambo-rambol lang. Kumbaga sa isang taon, sa lahat ng gagawin ko ngayon, dapat maka-tatlo o apat na pelikula ako. May mauuna, may mahuhuli pero magagawa lahat.
“Si Vice, may mga commitment abroad, alis nang alis, ‘di ba? Magbi-birthday concert pa so, anong gagawin namin kung ‘yung ‘Boy, Girl, Bakla, Tomboy’ ang gagawin namin? Kung ‘yun ang gagawin namin, hindi puwede ‘yung ganu’n, paalis-alis siya. So, sabi namin, tapusin muna niya ‘yung mga commitment niya hanggang ‘yung concert then, tuloy kami ng pelikula ng June, second week ng June.”
Dalawang pelikulang magkasabay ang ginagawa ngayon ni Direk Wenn. Bakit nga ba biglang pumasok ang Bromance ni Zanjoe Marudo na hindi naman kasama sa line-up na gagawin niya for this year? “Naantala ‘yung ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy’. Kasi ang original, ‘yan ay Enero, kay Sweet (John Lapus) pa ‘yan dati. So, nu’ng naantala siya, wala naman pala akong gagawin so, inalok sa akin ni Enrico Santos, malaki rin naman ang utang na loob ko kay Enrico. So, nagtrabaho ako sa Sky Light.”
Binigyang-linaw ni Direk Wenn kung bakit naudlot ang matagal na sanang solo movie ni John Lapus. “Ngayon puwede na nating pag-usapan. September pa lang nu’n nang sabihin ko sa kanya na mag-diyeta. Kasi nga, medyo malaki nga siya. So, September, pina-follow-up ko ‘yan, tini-text ko ‘yan, hindi siya nagri-reply. Tapos nu’ng awards night ng Metro Manila Filmfest, nakita ko siyang presentor, ang laki niya. Enero nga ‘yung shoot so, sinabi ko kay Sweet, ang laki mo. Paano ‘yan, problema ‘yan. Alangan namang ‘yung apat na character pare-parehong malalaki. Tapos, pinaalam ko sa kanya nang maayos na kailangan kong mag-shoot kasi nga hindi puwede, mangangarag ako. May commitment ako sa kanya, may commitment ako sa Star Cinema, Viva, apat ‘yun. Hindi maiiwasang hindi sumama ang loob niya. Ako naman, na-frustrate dahil na-excite din naman ako.
“Noong panahon na ‘yun, ako naman, ang hinanakit ko lang sa kanya, una, never niya akong binalitaan. Sana sinabi niya, hirap akong magdiyeta, kung mayroong ganu’n, sana nakagawa ako ng paraan. Uunahin ko ito, idi-delay ko ito, nakapagplano sana ako. Totally, mula September, nu’ng nagalit na ako sa kanya, hindi ko na itutuloy ‘yung project. Du’n pa siya pumupunta sa bahay na hindi nga niya ako inaabut-abutan. Sa text, sabi ko sa kanya, Sweet, hindi ako galit sa ‘yo, kaya lang napu-frustrate ako dahil matetengga ako, kakahintay.
“So, ‘yun ang nangyari, never kaming nagka-ano ni Sweet, sumama ang loob niya kasi nga, maganda naman ‘yung proyekto. Ang sa akin lang naman, parang hindi nagka-respetuhan pagdating du’n sa usapang September. Kaya nga, September ko siya pinapag-diyeta,” paliwanag niya.
Sabi nga ni Sweet kay Direk Wenn, “Kinabahan siya du’n sa laki ng role at saka, nahihirapan talaga siyang mag-diyeta. I know, ‘yun talaga ang kanyang rason, may nagawa sana akong paraan,nag-adjust sana ako. Kasi, sasabihin ng iba, ikaw naman, bakit mo siya pinalitan? Hindi rin nila naiintindihan ‘yung time table ko. Isang ano mo d’yan, chain reaction ‘yan sa mga hindi nakaaalam.”
May nagsasabi, kaya raw si Vice ang ipinalit kay Sweet ni Direk Wenn dahil baka hindi kumita sa takilya ang first starring role ng TV host/comedian. “Hindi ako ganu’n, sana hindi ko gagawin ang ‘Bromance’ kung may ganyan akong panukala. Ang sa akin lang, gusto kong susunod lang du’n sa mga taong pinangakuan ko. Kung ikaw ang papalya sa usapang ito, hindi ko kasalanan.
“Kumbaga, ang totoo n’yan, mayroon kaming John Lloyd-Uge. Una dapat na ipalalabas ng Sabado de Gloria, mas pinili ko si Sweet. Kinausap ko ang Star Cinema, afer ‘Sisterakas’, ang gusto kong gawin Girl Boy, Bakla Tomboy para kay Sweet. Kahit pinipilit ako ng Star Cinema na gawin ko ‘yung John Lloyd-Uge, hindi ko nagawa. Hindi rin pupuwede si John Lloyd dahil hindi rin niya matatapos ang Sarah-John Lloyd movie.
“Hindi man natuloy itong movie ni Sweet, pangako ko rin naman sa kanya ‘yun. Humupa na ‘yung sama ng loob, ‘yung mga inis. Nakaainis, nakaka-frustrate kasi, tignan ninyo ang nangyari. Hindi ko rin masisisi nang tinanggap ni Vice ‘yung pelikula. Commited din siya sa series of shows abroad,” kuwento ng box-office director Wenn Deramas.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield