PERSONAL PALANG nakipag-usap si Wenn Deramas kay Jim Fernandez at sa pamilya nito para bilhin ang rights ng classic komiks novel series na Galema, Anak ni Zuma at gawing fantaserye ito ng box-office director para sa Kapamilya Network. Kahit doble ang offer ng Singko, kay Direk Wenn ipinagkatiwala ng batikang nobelista sa komiks ang kanyang naiibang obra.
“Simple lang naman ang sinabi ko, kung sa akin ninyo ipagkakatiwala, mas mapapangalagaan ko ang takbo ng istorya at mapagaganda ko pa ito. At saka, nakasisiguro kayo na mas maraming makapanonood kaysa sa TV5,” tsika ng master storyteller.
Tinanong namin si Direk Wenn kung bakit ang Galema, Anak ni Zuma ang binili nilang nobela for television? “Package na ‘yun, kapag binili mo ang nobela ni Zuma, kasama na ang Anak ni Zuma. At least, nakatipid kami. Matagal ko nang project ito. 2005 pa, nasa isip ko na siya. Nang matapos ko ang seryeng “Kapag Puso’y Nasugatan”, itong nobela ni Jim Fernandez na talaga ang susunod kong gagawin,” say ng box-office director.
Masasabing ang nobelang ni Jim Fernandez ang longest-running Pinoy Komiks series ever. Ekstra-ordinaryong kuwento ng pamilya at pag-ibig. Nakasentro ito sa buhay ng mabuting-loob na si Galema na gagampanan ni Andi Eigenmann na minana ang sumpa ng kanyang ama na si Zuma, pagkakaroon ng kambal na ahas sa kanyang balikat.
Sa ganda ng istorya ng komiks series na ito, bakit sa panghapon lang siya ipalalabas imbes na pang-primetime? “Hindi talaga siya pang-primetime. Ako mismo ang nag-request kay Ma’am Charo Santos na gusto ko panghapon ipalabas ang Galema. Ako naman, wala sa akin kung saan ilagay ang show ko, panghapon o gabi, pareho lang ‘yun. Gigisingin ko sila tuwing hapon sa pamamagitan ni Galema, Anak ni Zuma. Bakit ba ang “Mara Clara”? Pang-hapon ‘yun, ang taas ng rating. Kapag nagustuhan ng manonood ang isang palabas, kahit hapon o gabi pa siya, tiyak na susubaybayan nila. Papantayan ko lang ang 60 years ng ABS-CBN,” paliwanag ni Direk Wenn.
Nalaman din namin kay Direk Wenn na P1 million plus pala ang halaga ng ahas na ginamit nina Zuma at Galema sa fantaseryeng ito ng ABS-CBN. Nagpa-auditon pa si Direk for the role of Zuma. Masuwerte si Derick Hubalde at siya ang napili ng batikang director sa mga nag-audition.
“Perfect si Derick for the role as Zuma, 18 ang abs mula sa mukha pababa. 6’3” ang height, maganda ang build ng katawan. May mga Brazilian ding nag-auditon, hindi kailangang guwapo at maganda ang katawan. Kailangan ‘yung looks na mala-Zuma ang dating,” say ni Wenn D.
Na-meet namin nang personal si Derick sa taping ng Galema. Totoo nga ang sabi ni Direk Wenn, perfect siya sa role ni Zuma. Naka-Zuma outfit na ito with matching kambal na ahas sa kanyang balikat. Gumagalaw-galaw ang ahas na akala mo’y totoo. All paint in green ang buo niyang katawan at mukha. Katatakutan mo nga siya kapag iyong makita.
“Sinabi lang sa akin ng friend ko na friend ni Direk Wenn na may audition nga raw for the role ni Zuma. Pumunta ako sa audition, hindi ko expected na makukuha ako. Hindi pa rin ako ganoon kasigurado dahil sa commercial and modelling nga, napili ka na, pero paggising mo sa umaga, napalitan ka na at may nakuha na silang iba for the role. Sobrang thankful ako kay Direk Wenn sa break na ibinigay niya para gampanan ko ang role ni Zuma. Kahit nga hindi pa ako tapos mag-taping dito sa Galema, may movie project na agad siyang ibinigay sa akin ang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” with Vice-Ganda,” kuwento ng model/actor.
Kahit mahirap gampanan ang role ni Zuma, hindi ka makaririnig ng reklamo mula kay Derick kahit nasunog na ang balat nito sa hita (2nd and 3rd degree burn) na hindi sinasadya. May eksena kasing kailangang bombahin si Zuma ng kaeksena niya ng fire extinguisher, aksidenteng tumama ito sa balat ni Derick.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield