VERY VOCAL si Wenn V. Deramas na crush niya si Wendell Ramos na artista niya sa pelikulang Wang Fam nina Pokwang at Benjie Paras under Viva Films. Habang nagtsi-tsikahan kami, biglang lumapit ang hunk actor kay Direk Wenn, niyakap niya ito para magpaalam. Nagkabiruan, say ng lady reporter, “Bakit nagba-blush si Wendell?” Natatawang sagot ng box-office director, “May gusto siya sa akin. I-convince ninyo si Wendell na maging leading man ko. Papayag akong mag-artista, tapos si Mercy Lejarde ang director ko…”
Ikinuwento ni Direk Wenn kung papaano niya nabuo ang istorya ng Wang Fam. Year 2008 nang gawin niya ang story, hindi natuloy. Tapos nga sinabi nito sa Viva na si Pokwang ang bida. Biglang hindi na naman natuloy. Maraming dahilan, kesyo may gagawing ganito, kesyo may gagawing ganire.
Siyempre may time na nasabi ng starmaker na huwag na nga kung ayaw nila. May time din na sinabi ni Boss Vic (del Rosario) na ibigay kay Ai-Ai (delas Alas), bigay kay Uge (Eugene Domingo), hindi pa rin niya ibinigay. “Kasi nga, si Pokwang naman walang atraso sa akin. Kung siya ang masusunod, gustung-gusto niyang gawin. Tapos noon, ginagawa ko ang Praybeyt Benjamin, nandu’n si Kris Aquino, nandu’n si Bimby, dumalaw si Powkie. Nagulat ako kasi alam ni Pokwang mayroon siyang ulam para sa akin lang. Nagpakain siya sa maraming tao. Sabi niya sa akin, mayroon akong ibibigay na adobo. Hiniwalay ko na kasi baka magalaw pa kung dito tayo kukuha. Na-touch ako, ‘di ba? Ganyan ‘yan maging sa “Maid in Heaven” nagdadala ng pagkain sa akin. Du’n siya nagsimula, isa siya sa pitong atsay.”
Kahit naudlot ang balik-tambalan nina Ai-Ai at Direk Wenn, this time for 2016 may movie sila together under Regal Films. Nag-sign ng 5-picture contract ang box-office queen sa Regal Films kailan lang. Habang si Direk Wenn ay tatapusin muna niya ang Vice Ganda-Coco Martin movie na pang-Metro Manila Film Festival this December 2015. Ayon kay Direk Wenn, hindi pa siya pumipirma ng kontrata sa Regal Films, pero nakapag-usap na sila ni Mother Lily noon pa.
“Nu’ng birthday ni Ma’am Charo (Santos), du’n kami nag-usap nang buong magdamag ni Mother. Ito ang sinabi ni Mother Lily sa akin, ‘Ako tipid-tipid, marami pelikulang maliliit dahil ikaw ito, bigay ko lahat ang pera, mayaman ako. Ako hindi tipid sa ‘yo. Ako hindi post-dated sa ‘yo. Wala raw tipid-tipid kay Wenn Deramas.”
Sagot naman ng starmaker kay Mother Lily, “Mother, kahit ano pa ang sabihin mo, kailangan ng pangalan ko ang Regal Films sa filmography ko. Kahit ano ang mangyari, kailangang kong gumawa sa Regal Films. Sabi ko, lumaki ako, ‘yan ang pinanonood ko. At ang nakagugulat kay Mother, ikinukuwento niya ang mga pelikula kong pinapanood niya. Ang favorite niya sa movie ko ay ang ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy’ and ‘Praybeyt Benjamin’,” pahayag ng box-office director.
Ayon pa kay Direk Wenn, twice daw pinanood ni Madera ang Praybeyt Benjamin. Sa mga hindi nakaaalam, 2006 nag-uusap na sina Wenn at Mother Lily for a movie project under Regal Films. Say niya,”May dalawa akong Ai-Ai movie. Hindi muna ako nag-iingay, originally Viva ‘yun. Kailangan kong ipaalam kay Boss Vic. Magandang first time kung Viva at Regal joint venture. Pero kung ako naman, Wenn Deramas-Regal Films lamang.”
Ngayon pa lang, super excited si Direk Wenn sa first directorial job niya sa Regal Films and at the sametime balik-tandem nila ni Ai-Ai. Napakaganda ng pasok ng 2016 para sa award-winning director. Sunud-sunod ang movie project plus teleserye sa Kapamilya Network. Wala na nga raw mahihiling pa si Wenn Deramas sa mga blessing na dumarating sa kanya.
Katunayan nga, katatapos lang pumirma ng kontrata si Direk Wenn sa ABS-CBN. Forever na raw siya sa Kapamilya Network. Bago siya tumulak papuntang US with his two kids Gab and Raffy for two weeks vacation, tinapos muna niya ang Wansapanatym. “Mayroon akong ipi- pitch na serye, sana ma-approve,” sambit niya.
Definetily, ‘yung Claudine Barretto movie tuloy na tuloy na for next year, tsika ni Direk Wenn. Wala pang linaw kung si Piolo Pascual ang magiging leading man ng actress. “Hindi ko pa kasi napi-pitch kay PJ. Sabi ni Tita Malou (Santos) at Boss Vic, gawin na ‘yan so it’s a co-prod. “Pinilit Kong Limutin Ka” (title of the movie) ay ang Viva, bahala na silang mag-usap.”
Sa totoo lang, si Wenn V. Deramas ang nag-iisang director na walang pahinga, parang hindi napapagod. Palibhasa ini-enjoy niya ang pagdi-direk at puro magagaling ang kanyang artista kaya nagiging madali para sa kanya ang trabaho. Next year, target niyang magbakasyon sila ng kanyang pamilya sa Europa, regalo niya sa sarili at sa kanyang minamahal na anak na sina Raffy at Gab.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield