BAGO PA lang gumagawa ng pelikula si Wenn V. Deramas ay kinakitaan na agad ni Vic del Rosario ng galing sa pagdidirek ng mga comedy films ang box-office director. Ang magaling na scriptwriter na si Mel del Rosario (sister-in-law ni Boss Vic) ang nagkuwento kung gaano kahusay ito as a director. Magka-tandem sa halos lahat ng pelikula sina Direk Wenn at Tita Mel. Marami na silang nagawang project together sa TV at pelikula.
Napanood ni Boss Vic ang blockbuster movie series na Tanging Ina ni Direk Wenn ng Star Cinema. Na-impress ang Big Boss ng Viva Films. Sabi niya, “He is more than just a director, concert person, producer. Kaya niyang gawin lahat ‘yun, writer and also a starmaker. ‘Yun ang tingin ko, unique. Not all directors are starmaker.”
Ipinagmalaki ni Boss Vic na ang biggest success ng Viva ay Petrang Kabayo, ang launching movie ni Vice Ganda na idinirek ni Wenn V. Deramas. Ang box-office director ang nag-convience kay Boss Vic na bigyan ng solo break si Vice. Malakas ang kutob niyang kikita ang pelikula kaya nagsugal ang Viva at bingo, kumita ang pelikula ni Vice.
Sinuwerte naman ang Viva Films ni Vic del Rosario, nagkaroon sila ng blockbuster na pelikula. “I would say, sa pelikula ang biggest success behind, sa akin, kino-contribute ko nang malaki kay Wenn. Up to now, hindi pa gumagawa ng pelikula si Vice, kung hindi si Wenn ang director niya. You cannot argue with 3 biggest blockbusters, silang dalawa. Hindi lang artista ang importante, pati ang director. Bihira ‘yung comedy director na nagtatagal,” pahayag ni Boss Vic.
Naniniwala si Boss Vic na tatak sa isipan ng publiko ang mga pelikulang ginawa ni Direk Wenn. “Even ‘yung mga pelikulang gagawin niya in the near future. I’m sure makadi-discover siya ng bagong superstar, ano siya… starmaker.”
Nang unang ipakilala si Direk Wenn kay Boss Vic, magaan at malambing agad ang dating nito sa kanya. Sa friendship na mayroon ngayon ang dalawa, wala ‘yung producer-director relationship. ‘Yung samahin nila, very personal, parang matalik na magkaibigan.
Kahit hindi napagkikitang magkasama sa mga lakaran at special na okasyon tulad ng birthday sina Wenn at Boss Vic, nasa puso palagi ng producer si Direk. Sana raw mag-build-up pa si Wenn ng mga baguhang artista dahil malaki ang naitulong niya sa industriya. Mas exciting daw na nand’yan siya at gumagawa ng pelikula.
‘Yung mga movie project sa Viva Films, si Wenn halos lahat ang nag-iisip. May movie project palang ididirek ang versatile director. ‘Yung launching movie ni Alonzo Muhlach (anak ni Niño Muhlach), ‘yun ang isusunod pagkatapos ng Vice-Coco (Martin) at Pokwang movie ng Viva Films.
Sobra ang pagtitiwa ni Boss Vic kay Direk Wenn. Wala yata itong hiniling na hindi pinagbigyan. “Pagdating sa paggawa ng pelikula, I don’t argue with him. He’s a filmmaker, ako producer lang. Basically, to finance the project. Pero sa pelikula niya, siya lang ang binibigyan ko ng 100 percent free hand to decide kung sino ang casting, papaano ‘yung final edit. Papaano mo naman babaguhin ‘yung walang namang patid na success,” pahayag niya.
Hindi malilimutan ni Boss Vic ang biggest success ng Petrang Kabayo na launching movie ni Vice Ganda. Ang pelikulang ito tumatak sa isipan ni Boss Vic sa mga pelikulang nagawa ni Wenn. Pagdating sa pelikula, conscious daw si Direk sa quality. Hindi niya hinahabol ang award kasi gusto niya mag-hit ‘yung movie nito.
Paliwanag ni Boss Vic, “Hindi sa gusto nating kumita lang. Basically, gusto nating ma-satisfy ang audience na nagbabayad. The mere fact na pina-patronize, ibig sabihin, happy ‘yung customer. You cannot argue, napapasaya natin sila for 200 pesos, ‘yun ang importante. Kaysa gawa ka nang gawa ng pelikula, ayaw namang panoorin ng tao. ‘Yun ang biggest contribution ni Wenn. ‘Yung pelikula niya, pina-patronize ng nakararami.”
Sa totoo lang, ‘yung taste ng tao hindi natin mapipilit. Kung ano ‘yung gusto ng tao, ‘yun ang dapat gawin ng isang director. “Kaya nga tayo pop culture, pop culture means popular. Kung gumawa ka ng pelikula, hindi naman naging popular. Direk Wenn basically, bukod sa hit, he earned a lot of money, get rewards. Ang tao, mahal ang mga pelikula niya. Sa tingin ko, ang biggest testament sa kanyang galing will be 20 to 30 years from now, pinanonood pa rin ang mga pelikula niya,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield