MASAYA SI Wenn Deramas at ang buong main cast ng seryeng Flordeliza na kinabibilangan nina Jolina Magdangal, Marvin Agustin, Desiree del Valle, at child actresses na sina Ashley Sarmiento at Rhed Bustamante sa thanksgiving presscon nito last Tuesday. Magtatapos na kasi ang panghapong soap, huling apat na linggo na umariba sa taas ng rating na umabot sa 17 percent plus.
Hindi nga namalayan ni Direk Wenn na naka-7 months na sila sa ere. Wala ring keber ang box-office director kahit hindi pang-primetime ang Flordeliza. “Ang importante hindi ka nawawalan ng project sa ABS. Tuluy-tuloy pa rin ang trabaho ko sa kanila. Nang i-offer ko nga sa kanila ang Flordeliza, agad nilang inaprubahan ni Ma’am Charo Santos ang project na ito. Happy ako sa buong cast ng Flordeliza, dahil ang gagaling nila at lahat napaka-professional,” say ng versatile writer/director.
Sinabi ni Direk Wenn, malaki ang naging bahagi ng Mara Clara ni JudyAnn Santos nang binubuo niya ang nasabing top rating show nito. May mga eksenang hango sa tunay na buhay kaya lalong naging effective sa viewing public ang mga madramang eksena nina Jolina,Marvin at Desiree. Experience daw ng mga malalapit na kaibigan, kakilala, inilalagay niya sa istorya ng bawat serye o pelikulang kanyang ginagawa.
Kailan naman kaya natin mapapanood on the big screen ang muling tambalan nina Jolens at Marvin? “Hindi pa sa ngayon. Darating tayo riyan, kailangang nasa timing ang lahat para magkasama uli ang dalawa,” simpleng sagot ng award-winning director.
Mamamahinga muna si Direk Wenn sa paggawa ng soap dahil dalawang pelikula ang kailangan niyang tapusin. Ang movie ni Pokwang at ang pang-Manila Film Festival nina Vice Ganda at Coco Martin under Star Cinema. Nakatakda rin niyang gawin ang pelikula ni Claudine Barretto under Viva Films.
Dapat sana ‘yung comebacking movie ni Claudine, si Direk Wenn ang magdi-direk. Gusto niya si Piolo Pascual ang kapareha ng actress. Nagkataon namang ginagawa ni PJ ‘yung movie nila ni Sarah Geronimo, ang The Breakpp Playlist na box-office hit at showing pa hanggang ngayon. Ayon kay WD, kailangan daw i-pitch muna kay Piolo ‘yung story at ‘yung character niya sa movie. Willing naman ang actor na makasama niya si Claudine, last movie nila together ang Milan.
Naging usapan din sa nasabing thanksgiving party ang controversial issue na kinasasangkutan ng dose anyos na si Andrea Brillantes na bida sa soap na Annaliza. Sinasabing ang dalagita diumano ang nasa private video. Hanggang hindi pa malinaw kung ang bagets nga ang nasa video o kamukha lang nito. Nalulungkot si Direk Wenn sa pangyayaring ito. Minsan nang naging artista niya si Andrea sa seryeng Kahit Puso’y Masugatan at sa Momzillas.
Hindi makapaniwala si Direk Wenn na ‘yung anak-anakan niyang si Andrea ang nasa private video. Hindi nga raw niya pinanood, agad niya delete ito. “Yun nga ang mahirap, hindi pa naman confirmed pero hinuhusgahan na agad ang bata. Kawawa kasi 12 -anyos. Hindi niya deserve ‘yung ganu’n. Napakabigat para sa parents, para sa kanya. Kung totoo, hindi pa dapat pinagdaraanan ng 12- anyos,” turan ni WD.
Comment ni Direk Wenn sa post ni Andrea sa Facebook account nito na: “Can I take suicide?” “Mali. Ginawa mo, panindigan mo… kung totoo ‘yun, ha? Ang lahat ng ito’y alleged. Kung totoo, tapangan mo. Matapang mong ginawa, tapangan mo pa, kasi hindi riyan nagtatapos ang buhay, ‘di ba? Baka may magandang maidulot ‘yan, ‘di ba? Du’n na ako naniniwalang wala tayong karapatang saktan ang sarili natin o manakit ng ibang tao,” paliwanag ni Direk Wenn.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield