PINATUNAYAN NA NAMAN ni Wenn Deramas ang pagiging blockbuster director niya sa Ang Tanging Pamilya nina Ai-Ai Delas Alas, Joseph Estrada, Sam Milby, Toni Gonzaga and DionEsia Pacquiao. Palibhasa riot sa katatawanan at comeback movie ito ni Erap kaya lalong naging patok sa takilya. Pagdating talaga sa comedy film, saludo kami kay Direk Wenn.
Sa eksena ni Ai-Ai at Mommy DionEsia, paano mo na-motivate ‘yung dalawa? “Alam mo kami ni Ai-Ai basta sinasabi ko na ganito ang gawin mo, tapos bahala na siya, alam na niya ‘yun. Si Aling Dionesia, sinasabi ko ‘yung mga lines niya, hindi naman kasi siya artista at alam naman ng lahat ng tao ‘yun,” dugtong pa niya.
Sa tono ng pananalita ni Direk, parang hindi puwedeng maging artista si Mommy Dionesia? “Nasa kanya ‘yun kung pag-aaralan niyang mabuti ang pag-aartista, baka matalo niya si Nora Aunor sa acting,” nagbibirong turan ni Direk.
Sa obserbasyon ni Direk, may nakikita kaya siyang potential kay PacMom na maging magaling na komedyante? “Hindi ko alam, kasi ang pinanggalingan ko si Ai-Ai Delas Alas, ‘di ba? Si Eugene Domingo sa kabilang istasyon, ‘yun naman ang sinasabi ko. Siyempre, ang mga pinanggalingan ko’y tunay na komedyante. Tapos bibigyan mo ako ng hindi naman talaga artista kung hindi sinusubukang mag-artista. Mukha namang sineseryoso niya ang pag-aartista, aliw na aliw siya. Well, baka isang subok pa,” pahayag ni Direk Wenn.
Okey ba namang katrabaho si PacMom? Una sa lahat, naging okey kami ni Presidente Erap kasi araw-araw kaming magkasama. Mabait si Aling Dionesia, she’s very very nice, lahat gagawin niya. Wala naman siyang hindi gagawin, gustung-gusto niya ‘yung ginagawa niya. Magkasundo kami, mabait ang mga tao sa kanya.”
As an actor, anong masasabi ni Direk Wenn kay Erap? “As an actor, alam mo artista siya, alam mo presidente siya. Kumbaga, sa pag-aartista niya wala akong masasabi, ginawa lang niya kung ano ‘yung piginawa ng script, kung ano ‘yung sinasabi ko ginagawa niyang lahat in fairness to him. We discuss things pero ang ending, ‘ikaw direk, ano ang gusto mo?’ Marespeto naman, siyempre, isaalang-alang mo rin na presidente ito ng Pilipinas so, mas nakasanayan niya… 20 years na hindi nag-artista, ‘di ba? Mas nakasanayan niya ‘yung naguutos, kaysa sa sumusunod. Siyempre, nu’ng few days namin, may ganu’ng factor lang but after that okey na okey, hanggang ngayon okey kami.”
Paano mo nga pala na-motivate si Presidente Erap sa comedy scenes? “Eversince naman si Presidente ‘yung ginagawa niya may pagka-comedy, action niya may comedy, ‘di ba? Sa ganu’ng aspeto hindi naman ako nahirapan.”
Ano ‘yung mga eksenang maaaliw at matatawa ang manonood? “Marami, mula umpisa hanggang dulo. Kasi, alagang-alaga ko si Presidente Erap na bigyan ng mga punch line. Si Ai-Ai naman kahit sino ang ipareha mo d’yan gagawin ang lahat. Magpa-panty ‘yan, magpapakita ng boobs, lahat gagawin niya sa ikagaganda ng pelikula. At saka, mayroon siyang pinaninindigan sa pelikulang ito kaya basta… asahan ninyong super-saya ng pelikula, pang-pamilya ito. Pinagsama-sama ‘yung comebacking ni Presidente Erap, sinamahan ko pa ng Ai-Ai Delas Alas. Tapos, mayroon pang Toni and Sam at Aling Dionesia. Biggest love ko si Sam, perfect sila ni Toni,” kuwento pa ni Direk Wenn Deramas.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield