SA MUSIC BOX comedy bar nagsimula ang career ni Ai-Ai delas Alas bilang isang stand-up comedienne na nung kalaunan ay nauwi na sa pagiging aktres. Ang owner ng Music Box na si Boss Wowie (Jun de Dios sa tunay na buhay) ang mentor at unang nagtiwala kay Ai-Ai na may mararating ito sa showbiz industry.
Pumanaw si Boss Wowie kamakailan lang dahil sa Covid-19 at labis itong ikinalungkot ni Ai-Ai.
Bukod sa pagiging discoverer, si Boss Wowie din ang nag-encourage noon kay Ai-Ai na pasukin nito ang showbiz. Kasabay ni Ai-Ai noon sa pagpasok sa showbiz sina Arnell Ignacio at Allan K.
Umiiyak na pahayag ni Ai-Ai, “Siya yung unang naniwala sa akin, sa amin nina Arnell. Siya yung unang nakakita na nakakatawa pala ako. At siya yung nagpilit na maniwala ako na nakakapagpasaya ako ng tao.”
Bago pumalaot sa movie industry at naging artista ay naging sing-along master si Ai-Ai sa Music Box. Dito nahasa nang husto ang kanyang talento na naging daan para mabigyan siya ng break sa pelikula.
“Sobrang nalulungkot ako … sya ang mahal kong boss kung hindi nya ko kinuha na sing along master sa music box hindi sana ko si aiai ngayun,” tinuran pa ni Ai-Ai.
Pinasalamatan din niya ang kanyang mentor/friend sa oportunidad na ibinigay sa kanya nito.
“Salamat boss wowie sa opportunity na binigay mo sa aken, salamat sa friendship, salamat sa kabaitan mo saken .. salamat at ikaw ang unang naniwala samen ni arnel boss @bignelli.
“Pahinga ka na… till we meet again… i love you,” post nman ni Ai-Ai sa kanyang Instagram account.