SIKAT NA sikat at viral sa internet ang taxi driver na naging bayolente sa kanyang pasaherong babae. Iisa ang komento ng mga taong nakapanood nito. Hindi na rin yata ligtas ang pagsakay sa taxi. Hindi lang kasi ito ang unang pagkakataon na may abusadong driver ng taxi. Marami ang nagbahagi rin ng kani-kanilang karanasan sa ganitong mga arogante at mapang-abusong taxi driver.
Noon pa man ay ipinagbabawal na ng LTFRB ang pangongontrata ng mga taxi drivers sa pasahero, ngunit hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga nag-aabusong driver. Hindi naman daw nagkukulang ang mga tao na magsumbong, tumawag, at mag-text sa hotline ng LTO, ngunit kadalasan ay walang sagot ang tanggapang ito.
Mabuti na lang at ngayon ay mayroon nang teknolohiya para mailabas ang ganitong pang-aabuso ng mga driver sa publiko, at dahil dito ay mabilis ding inaaksyunan ito ng pamahalaan. Dapat talaga ay makulongang driver na ‘yan para magsilbing aral at banta sa iba pang nag-aabuso na hindi pa rin napananagot sa kanilang maling asal.
PANAHON NA talaga para higpitan pa ng LTO ang pagbibigay ng lisensya sa mga nag-a-apply nito. Sa ibang bansa ay talagang pahirapan ang pagkuha at tanging mga matitino at karapat-dapat lamang na driver ang nabibigyan nito. Marami silang eksaminasyon na kailangang ipasa at sinisigurado ang kanilang katinuan ay maayos.
Inilalagay kasi sa kapahamakan ang buhay ng mga inosenteng tao sa kalsada, pasahero, at kapwa mga driver na matitino kung ang mga iresponsable, tanga, at walang kakayahan na magmaneho ay nabibigyan ng lisensya. Hanggang ngayon ay napakadali ng eksamen sa LTO at ang mga sagot ay nakapaskil pa sa pader ng kuwartong pinagkukuhanan ng exam. Hindi pa rin nawawala ang mga fixers na ipinapangakong siguradong papasa ang isang nag-aaply sa exam basta magbayad ng extra.
Ang mga aksidente sa motorsiklo ay patuloy pa ring tumataas. Ngunit sa isang pag-aaral ay nasa 80% ng aksidente sa motor ay lumalabas na ang motorsiklo ang binangga ng kotse at iba pang malalaking sasakyan. Ibig sabihin ay marami rin talagang hindi marunong magmaneho at barumbado sa kalsada na may lisensya.
NAKAKIKILABOT ANG lumabas sa balita nitong nakaraang araw na marami palang insidente ng aksidente sa bisikleta sa Marikina. Kilala ang Marikina na maraming bike lanes at ang mga tao rito ay nahihilig gumamit ng bisikleta para pumasok sa trabaho. Ngunit ang problema ay hindi naman nirerespeto sa Marikina ang mga bike lanes kaya maraming insidente ng aksidente sa bisikleta rito.
Dapat siguro ay ipagbawal na ang mga bike lanes na walang harang na bakal o rail. Dapat ay pondohan ito ng lokal na gobyerno at hindi payagan ang bike lanes na may pintura lamang angdaan. Dapat ding hulihin at pagmultahin ng malaki ang mga driver na lumalampas sa bike lanes. Dapat tutukan ito ng mga traffic enforcers natin.
Angmaliwanag dito ay ang patuloy na karahasan sa trapiko at mga banta sa buhay ng mga pedestrians at bikers. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos sa tuwing lalabas kayo sa kalsada ay tila normal na nga na makasasaksi tayo ng mga motoristang maiinit ang mga ulo dahil sa masikip na traffic, nag-aaway na mga driver dahil sa gitgitan at mga taong namamatay dahil sa aksidente sa kalsada.
ANG PAGSUNOD daw sa isang batas ay depende sa nagpapasunod. Kung ang nagpapasunod ay pasaway rin at hindi marunong sumunod sa mga batas, dito nagiging problema ang pagpapatupad ng batas. Maaari ring ang nagpapatupad ay hindi alam kung papaano dapat ipatupad ang batas kaya naman lalong nagiging magulo ang kalsada sa pagtatalo ng traffic officer at hinuhulin ito.
Ang isang anggulong nakikita ko rito ay ang competency ng mga traffic officer. Hindi naman sa minamaliit natin ang ating mga traffic enforcers sa kalsada, ngunit kailangan nating malaman kung saan ba galing at ano ang kuwalipikasyon ng mga taong ito. Maramin ang pagkakataon na nakukuwestiyon ang competency ng mga traffic enforcers natin. Kung sila ay manghuhuli ay may kakayahan kaya silang makita ang mali sa batas na nagawa ng isang motorista? Tila isa rin kasing isyu ang maling violation call na tinatawag ng mga traffic enforcers natin.
Karamihan din kasi sa mga private motorists ay propesyunal, doktor, abogado, propesor, at engineers. Papaanong makikipag-argumento ang isang traffic officer sa mga ito kung hindi naman pala sila nakapagtapos ng college? Angpunto ay dapat sigurong itaas ang antas ng propesyunalismo ng mganare-recruit nilang traffc officers. Ang karamihan sa mga traffic enforcers ay galing sa gobyerno na ang mga item ay casual at walang civil service eligibility. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nirerespeto ang mga ito.
SIGURO NGA ay maigi nang naibalik sa mga kapulisan ang paghuli sa mga taong lumalabag sa batas-trapiko at mag-asiste na lamang ang mga MMDA sa pagpapaluwag ng traffic. Mas ginagalang kasi at kinatatakutan ang mga pulis kumpara sa mga MMDA traffic enforcers.
Dapat nga lang ay patuloy na tiyakin ng hepe ng mga kapulisan na hindi sila aabuso sa pagiging pulis at ititigil na ang dati nang problema ng mga pangongotong ng ilang tiwaling pulis. Kumusta na nga kaya ang mga HPG? Ang patuloy na paglilinis ng mukha ng kapulisan ay mapabibilis kung makikitang ang mga bagong pulis ay talagang nagbago na dahil napagkakatiwalaan sila sa kalsada.
Maaari itong gamitin ng PNP para mabago ang imahe ng mga tao sa kapulisan. Ilang buwan na rin ang binilang simula nang makabalik ang HPG sa kalsada at sa kasalukuyan ay wala pa ring lumalabas na seryosong reklamo sa isang HPG police. Kung makikita ng mga tao na matitinong nagpapatupad lamang ng batas-trapiko ang mga pulis ay maibabalik agad ang nawalang tiwala ng mga tao sa kapulisan. Sana ay magpatuloy ang HPG sa kanilang magandang nasimulan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo