ISANG METRO Manila Mayor na minsan nang naakusahan ng ku-rapsyon ang madalas na maispatan daw ngayon sa isang sikat na casino sa Metro Manila na nagpapatalo ng milyun-milyong piso kada punta, ayon sa isang source.
Sa isa sa mga gabing pagbisita niya sa naturang casino kamakailan, natalo raw nang mahigit 6 million pesos si Mayor. Kalahati sa halagang ito ay dala raw ni Mayor samantalang ang kalahati naman ay hiram galing sa isang casino financier.
Makabubuti kung itigil na ni Honorable Mayor ang pagwawaldas ng pera at sa halip ay gamitin na lamang niya ito sa pagpapaganda ng kanyang lugar at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan niyang constituents, suhestiyon pa ng source.
ISA PA ring Metro Manila Mayor ang maituturing ngayong isang secret billionaire. Kaliwa’t kanan ang mga mansyon na kanyang ipinatatayo. Marami na rin siyang mga malalaking negosyong naipundar, ayon pa sa isang city hall source.
Kasabwat ang isang kamag-anak, malakas daw mangotong ang grupo ni Mayor sa transport group at sa mga lehitimong negosyante sa lugar na kanyang kinasasakupan.
Marami rin daw na mga hocus pocus na project si Mayor at tumiba-tiba talaga siya sa kaban ng city hall.
Dagdag pa ng source, kapag bumaba na raw sa puwesto si Mayor, mabubunyag ng papalit sa kanya ang lahat ng mga katiwaliang ito. Pero hirit pa ng source, mahihirapan daw ang mga awtoridad na makasuhan siya sa usaping questionable hidden wealth dahil lahat daw ng bank accounts at ari-arian ni Honorable Mayor ay nakapangalan sa kanyang mga very trusted na malalayong kamag-anak.
Karamihan sa mga cash deposits at ilang mga property ownership daw ni Mayor ay nakatago sa Amerika at sa Europa.
IBA NAMAN ang isyu rito sa isa pa ring mayor ng Metro Manila. Hindi si Mayor ang sugarol kundi ang kanyang tauhan na ayon sa source ay kanyang bagman. Ang bagman niyang ito – na isang negosyante, ay bumuhos daw nang mahigit kalahating bilyon sa campaign funds ni Mayor noong nakaraang eleksyon.
Ang puwesto raw ng nasabing bagman ni Mayor sa city hall ay bilang isa sa mga kawani sa departamento na nagbibigay lisensiya sa mga negosyo. Miyembro rin daw ang taong ito ng Bids and Awards Committee.
Si Bagman ay naiispatan daw halos gabi-gabi sa iba’t ibang casino sa Metro Manila at nagpapatalo nang hindi bababa sa isang milyong piso. Kung minsan daw sa isang gabi, umaabot nang milyones ang ipinatatalo ng bagman dahil nagpapalipat-lipat siya ng casino. Kapag minalas siya sa isang casino, lilipat daw siya sa isa pang casino at nagbabaka-sakaling makabawi.
Pero sa maraming pagkakataon, madalas daw malasin ang bagman na ito. Sa pagka-casino hopping ni Bagman, nakabuntot daw sa kanya ang kalahating dosena niyang bodyguards. Isinasama raw ng taong ito ang kanyang bodyguards sa loob ng casino na palaging nakapaligid sa kanyang mesa habang siya ay nagsusugal.
‘Di tulad ng dalawang naunang mga subject na ubod na ng yaman, si Honorable Mayor na may bagman na sugarol, ay hindi pa gaano kayaman dahil bukod sa bagu-bago pa lang, tadtad din siya ng bukol sa kanyang bagman.
ANG INYONG lingkod ay mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3 NewsFm, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 PM. Ito ay kasabay na mapapanood din (simulcast) sa Aksyon TV, Channel 41.
Ang WSR may weekly TV show sa TV5 tuwing Lunes, pagkatapos ng Pilipinas News. Ito’y pinamagatang Wanted.
Shooting Range
Raffy Tulfo