Diskuwento sa Senior Citizen

Dear Atty. Acosta,

MAY PANANAGUTAN po ba ang isang drugstore kapag hindi ito nagbibigay ng diskuwento sa mga gamot na binibili ng isang senior citizen?

Simon

 

Dear Simon,

ANG BATAS na sumasakop sa iyong katanungan ay ang R.A. 9994 na pinamagatang “An Act Granting Additional Benefits and Privilege to Senior Citizens, Further Amending Republic Act No. 7432, as amended, Otherwise known as An Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits and Special Privileges and for other Purpose.”

Ang batas na ito ay ginawa para bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga senior citizen. Ang senior citizen na tinutukoy sa R.A. 9994 ay ang mga mamamayan ng  Pilipinas na may edad animnapu at pataaas (Section 3, R.A. 9994). Kabilang sa benepisyong ibinibigay sa mga nasabing tao ay ang dalawampung porsyentong (20%) diskuwento at exemption sa value-added tax, kung meron, sa pagbili ng kanilang gamot kasama ang influenza at pnuemococcal vaccines, at iba pang medical supplies at accessories (Section 4, R.A. 9994).

Ang pagbibigay ng benepisyo sa ilalim ng batas ay itinuturing na mandatory kung saan ay kailangang ipatupad ito ng lahat ng establisimentong nagbebenta ng gamot o drugstores. Kaya nga ang taong lumabag dito, sa unang pagkakataon o first offense, ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo na hindi bababa sa dalawang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon at pagbabayad ng multang hindi bababa sa limampung libong piso (P50,000.00) at hindi tataas sa isang daang libong piso (P100,000.00). Para naman sa mga susunod na paglabag, siya ay mapaparusahan ng pagkabilanggong katumbas ng maipapataw sa unang paglabag o first offense at multa na hindi bababa sa isang daang libong piso (P100,000.00) at hindi tataas sa dalawang daang libong piso (P200,000.00). Kapag ang lumabag ay isang corporation, partnership o organisasyon, ang mga opisyal nito gaya ng presidente, general manager, o managing partner o ang namamahala ang siyang mananagot sa ilalim ng batas. Maaari ring makansela o matanggal ang business permit o franchise ng nasabing establisimento kung mapapatunayan ang paglabag (Section 10, R.A. 9994).

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAng Biyuda
Next articleFood Supplements Para sa Immune System

No posts to display