Dismissal vs deputy ombudsman Gonzales, obvious na panggigipit?

PAREKOY, MUKHANG KAILANGAN nang dumulog ni Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III sa Commission on Human Rights.

Ito ay dahil sa pagsibak sa kanya ng Palasyo kaugnay sa palpak daw na paghawak sa kaso ni dating Sr. Insp. Rolando Mendoza turned hostage-taker at pumatay ng walong Hong Kong Tourists noong Agosto 23, 2010.

Wow!!!!! Ang hostage drama ay napanood ng sambayanang Pilipino at ng halos buong mundo. Alam ng lahat kung bakit humantong sa madugong pamamaslang ang insidente.

Iba’t ibang pantas hanggang sa maliit at ordinaryong Pinoy ang nagbigay ng opinyon kung paano mapapahupa si Mendoza ng mga oras na iyon. Ito ay kung may nagpunta sanang personalidad na nirerespeto ng dating pulis at hindi ng mga “sulsol” na hindi naman otorisadong negosyador, sana’y walang dugong dumanak. Piryud.

Eh, kaso wala ngang ganon. Sa halip, ‘yung apoy, pinagliyab pa. At ngayon, makaraan ang pitong buwang imbestigasyon ng Pilipinas at Hong Kong sa trahedya, nais ng Palasyo na lisanin ni Gonzales ang kanyang puwesto.

Parekoy, hindi ko kilala si Gonzales at hindi ko siya pinagtatanggol.  Hindi lang ako makatiis sa ganitong senaryo. Ang Presidente na nga ang nagsabi, wala siyang pakialam sa mga nag-ampon sa dating puganteng si Senador Ping Lacson dahil abala siya sa pagresolba ng iba pang problema gaya ng droga. Pero bakit si Gonzales ngayon ang napagtutuunan niya ng pansin?

Parekoy, ito na lang ang masasabi ko sa nag-advise sa Pangulo… MAY “TAMA” BA KAYO?

KAHIT MATAAS ANG BILIHIN, SINGIL SA KURYENTE AT  TUBIG… UMENTO, ‘DI PA RAW PANAHON SABI NI P-NOY

Huwatt??????? Parekoy, muli nating balikan noong Enero 1. Unang araw ng taon ay bumulaga sa mga motorista na regular na dumaraan sa NLEX at SLEX ang halos 300% increase sa toll fee.

Kasunod niyon at pagtaas sa pasahe sa jeep, P40 flagdown sa taxi, gayundin ang P3.50 metro. Hindi nagpahuli ang Maynilad, Manila Water at Meralco, nagtaas din ng singil.

Ang presyo ng arina, asukal, semento at iba pa ay tumaas na rin. Sa Hunyo, tiyak magtataas na rin ang tuition fee.

Ang sagot ni Pangulong Noy, wala pa raw basehan para magkaroon ng umento.

Tsk…tsk…tsk… nakakalungkot. Ito nga siguro ang “TUWID NA DAAN”.

PLANONG PAGTULONG SA PAMILYA NG 3 OFWs NA BINITAY DAHIL SA DROGA, WRONG MESSAGE

Wrong message ang nais iparating ng pamahalaan na tulungan ang mga pamilya ng tatlong OFWs na nagkasala sa pagpupuslit ng droga sa China.

Parekoy, tama si Senador Tito Sotto na sa halip na mag-concentrate sa pagtulong sa pamilya ng mga nasabing OFW bakit hindi pagtuunan ng pansin ang mga pamilya ng mga lehitimong OFW na patuloy na katuwang ng pamahalaan para tumatag ang ekonomiya.

Alalahanin natin na ang mga binitay ay nagkasala at pumayag sila na maging instrumento para masira ang buhay ng maraming kabataan.

Kung ganito ang magiging sistema, sa halip na maging maingat at iwasan ng mga OFWs na gumawa ng ganitong kasalanan, para na rin natin silang kinukunsinti. Isipin na lamang nila, “kikita” na sila sa pagiging drug mule, matutulungan pa ang kanilang mga naiwan sakaling mahuli.

Grabe na ‘to!!!

Ugaliing makinig sa aking programang ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530 Ang Radyo Uno, dulong kanan sa inyong tala-pihitan, tuwing Lunes-Biyernes, 6-7 am. Live streaming: www.dzme1530.com

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleAkala ko may ban sa Lebanon?
Next articleKasal… Sakali

No posts to display