KAMAKAILAN AY ipinaabot sa atin ng isang opisyal ng PNP na may nadakip silang mag-asawa na siyang nagpapatakbo ng human trafficking sa Tawi-Tawi. Sa kabuuan, labing-isa ang na-rescue ng mga pulis mula sa kamay ng mag-asawang ito. Akmang papabiyahe na ang mga biktima patungong Sabah matapos na sila ay magbayad ng “placement fee” sa mag-asawa. Lumalabas na ang lalaking nambibiktima ay isang pulis! At siya ay nakadestino sa task force anti-human trafficking sa Tawi-Tawi!
HINDI RIN humihinto ang pagliham sa akin mula sa mga embahada at konsulada sa Middle East tungkol sa mga abusong tinatamo nila sa kamay ng mga opisyales natin doon. Kung magkakaroon daw ng pormal na imbestigasyon, nakahanda silang tumestigo tungkol sa mga kabalbalan ng mga taga-embahada o konsulada na ikinagagalit naman ng mga OFW. Ang isa sa mga masamang balita na natanggap ko ay tungkol sa mga na-stranded na Pinay na kinukupkop sa mga welfare o refugee center doon. Ilang opisyales daw natin doon ang humihingi ng mga “sexual favor” mula sa mga babae o kaya ay ibinubugaw sa ibang Arabo para lang magkapera o malakad ang exit visa papauwi sa Pilipinas.
ANG DETALYE ng mga kasong ito ay ipinaabot ko na sa POEA at sa DFA. Sana, sa lalong madaling panahon ay maaksyunan agad ito ng mga kinauukulang ahensiya. Panahon nang ibilanggo ang mga bantay-salakay na ito!
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo