MAGALING ANG mga political strategists ni Vice President Jejomar Binay – very unconventional ang mga tirada nila. Nakapaloob sa Sun Zi’s Art of War ang bawat diskarteng kanilang ipinamamalas.
Ang magandang halimbawa rito ay ang pag-iingay ng kampo ni Binay, maaga pa lang, tungkol sa balak ng Bise Presidente na pagtakbo bilang Pangulo sa 2016 elections. Lahat ng pulitiko ay isusumpa ang kaluluwa nila sa demonyo para ipagkaila lang ang kanilang balak na pagtakbo sa isang halalan na malayo pa.
Simple lang ang logic dito. Iyon ay para ‘di sila pag-initan at pagdating ng takdang oras, mabubulaga na lang ang kalaban. Ginamit ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang conventional strategy na ito nang ipamalita niya bago mag-2004 elections na hindi na siya tatakbo. Marami ang naniwala at lahat tayo ay nabulaga.
Sa kaso ni Binay, agad na iplinanta ng kampo niya ngayon pa lang ang balak nila sa 2016 elections. Natataon naman ito sa mga kaganapan sa ating political arena kung saan nagsasalpukan ang dalawang malalaking bato sa pagitan ng kampo ni Pangulong Noynoy Aquino at ni Chief Justice Renato Corona.
Sa salpukang ito, hindi maiwasang parehong magtatamo ng sugat ang magkabilang panig. Pero si Binay na isang watcher lamang ay hindi magtatamo ng kahit gasgas man lang. Pinagsamantalahan ng kampo ni Binay ang sitwasyong ito at dali-dali nilang ipinakalat ang tungkol sa Binay for President sa 2016.
At tulad sa inaasahan, marami ang pumalag. Kinuyog si Binay – kaliwa’t kanang batikos at paninira ang inani niya. Pero lingid sa mga kumukuyog sa kanya, napasok sila sa bitag ng kampo ni Binay. Ito talaga ang hinihintay nilang mangyaring senaryo.
May ugali kasi tayong mga Pilipino – lalo na sa masa – na ang mga taong kinukuyog at underdog ang siyang nakakaani ng ating simpatiya lalo pa kung ang mga taong pinagtutulung-tulungan ay wala namang kasalanan.
Kaya nang magpa-survey si Binay kamakailan lang, siya ang nakakuha ng mataas na popular rating. Samantalang bumagsak naman ang popularidad ni P-Noy na nakaapekto rin dito ang salpukan nila ni Corona, at iba pang mga factors na may kinalaman sa mga naging desisyon niya sa pamahalaan. Si Binay bilang Bise Presidente ay hindi pinanggagali-ngan ng mga desisyon sa gobyerno kaya walang maibutas sa kanya na kapalpakan, magkagewang-gewang man ang ating bansa.
Siyempre kasama sa pinakomisyong survey ng kampo ni Binay ay ang tungkol sa sino ang mas paniniwalaan ng taong bayan na mag-eendorso ng mga kandidato sa eleksyon. As expected, lumitaw sa resulta ng survey na mas maraming maniniwala kay Binay kumpara kay P-Noy. Sa bagong survey, lumalabas na si Binay na ngayon ang itinututuring na kingmaker. Dahil dito, maraming mga pulitiko ang gustong makipag-alyansa sa kanyang partido.
Mas darami pa ito habang papalapit ang eleksyon. Ipinapalutang na kasi ngayon pa lang ng kampo ni Binay, kasama na rito ang grupo ni dating Pangulong Estrada – na isa ring maimpluwensiyang political figure, na boboto ang kanilang mga kaalyado sa Senado tungkol sa impeachment trial ni Corona base sa kani-kanilang konsensiya at hindi dahil sa pag-udyok ng administrasyon. Ang definition nito ay boboto sila para ma-acquit si Corona.
Dito na ngayon magkakawatak-watak ang mga kaalyado ng administrasyon. Iisipin kasi nila na kapag na-acquit kasi si Corona, magiging lame duck president si P-Noy, kaya maraming kakalas dito para mag-ober da bakod kay Binay.
Shooting Range
Raffy Tulfo