BUKOD SA pagiging socialite/fashion model ni Divine Lee, TV host/writer rin siya. Mahilig mag-charity work sa mga kababayan nating naging biktima ng bagyo. Personal ang pagbibigay niya ng relief goods sa mga mahihirap. Likas na sa dalaga ang pagiging matulungin sa kapwa kahit noong bata pa lang siya.
“Kasi, broken family, laking kalye, second family kami. Sa subdivision namin, lahat kaibi-gan ko so, I have to grow-up ‘yung mga kalaro ko nais ko ring tulungan,” tsika niya.
Sa pagiging madaldal ni Divine napag-ukulan siya nang pansin ng TV5. Naging TV host ng Juicy at ngayon Ang Latest with Cristy Fermin.
“Nagho-host ako ng fashion, social event, live. Nag-start akong mag-host, 17… kasi, nag-model ako nang 14. Tapos, may time na hindi dumating ‘yung host sa show so, namili sila sa mga model kung sino ang pinakamadaldal, du’n isabak. Natuwa sila kaya palagi na nila akong kinukuhang host,” kuwento niya.
At first, nahirapan si Divine mag-hosting dahil puro sikat na artista ang nai-interview niya. “Siyempre, ‘yung malalaking artista ang nakakaharap ko like Eddie Garcia, kinakabahan ako. Mr. Manny Pangilinan, na-try ko na ring mainterbyu. ‘Yung una, hindi nila ako kakilala so, bakit sila magtitiwala na magsalita sa ‘yo. ‘Yun ang number one na pinakamahirap sa akin. May mga artista na mahirap talagang pagsalitain, ‘di ba? ‘Yun bang wala ka talagang makuha kahit anong piga mo. Kahit nga kaibigan ko, nahihirapan ako. You have to respect certain bounderies hindi dahil ‘yung artista ayaw. Meron kasi tayong tinatawag na network war,” say niya
Ngayon active na sa showbiz si Divine bilang TV host, papasukin na rin kaya niya ang pag-aartista?
“Hindi po. Actually, niloloko nga nila ako. Minsan nagbabasa kami ng script ni Victor (Basa), sabi niya, malungkot na ‘yung scene, patawa pa rin akong magbato ng linya. Hindi yata, pero as of now ‘yung hosting enjoy naman ako,” tugon nito.
Ayon kay Divine, per show lang ang kontrata niya sa TV5 kaya’t puwede siyang mag-guest sa ibang network. “Nu’ng mawala si Solenn Heusaff, ako ‘yung gumawa ng Fashbook so, nakakagawa ako ng mga ganu’n.”
‘Yung pagiging madaldal ni Divine ang naka-attract kay Victor para mapansin ang alluring beauty nito. “Oo, isipin ninyo kung ang dyowa niya hindi nagsasalita, ang boring ng life nila. Ngayon ma-tsika na, at least, natuto na siya sa tao. Ibang-iba na, bongga, ‘di ba ? Tahimik talaga’yan.”
Reaction ng social friends ni Divine na nag-showbiz na siya ngayon? “Alam ninyo, I think, anybody who goes to showbiz galing sa society na sinasabi nilang will always defend showbiz. Ako, everytime they say, ‘May camera crew ka na naman’. Sabi ko, kung alam ninyo lang, ang saya-saya ng ginagawa namin and you learn so much na iba-ibang tao ang kausap mo. Minsan hindi mo alam kung paano mo siya kakausapin. You get to use your brain a lot. Sabi nila, artista bobo, ‘di ba? Alam mo ‘yun, magbabasa lang ng script… That’s one thing na hindi totoo. ‘Yung mga kaibigan ko, they respect what I do naman.”
Inamin ni Divine na ilang beses na nilang napag-usapan ni Victor ang tungkol sa kasal, pero hindi siniseryoso ng model/TV host ang bagay na ‘yun. “Well, maraming beses na siyang nangungulit, tinatawanan ko na lang. Hindi sa ayaw kong magpakasal, lahat naman ng babae gustong magpakasal. Hindi kasi ako ‘yung klase ng tao… hindi ako nag-debut. Hindi ako nagsi-celebrate ng birthday. Parang ang feeling ko, parang nahihiya akong mag-celebrate for myself. Kaya kong mag-throw ng surprise party para sa ibang tao pero para imbitahin ‘yung tao para pumunta for me, ayaw ko. Usually, pag-birthday ko, uma-alis ako. ‘Yun ang birthday gift ko sa sarili ko, abroad kahit dito sa Philippines. ‘Yung last two birthday, umalis kami (Victor). Last year umalis kami and then a year before tapos ‘yung isa, surprise niya ako.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield