Pagkatapos ipalabas sa Kapamilya channel ng Tagalized version ng South Korean adaptation na “The World Of The Married” (The World Of A Married Couple) ay heto’t magkakaroon na rin ng Pinoy adaptation ang sikat na British drama series na “Doctor Foster.” Nagpirmahan na ang ABS-CBN Entertainment at BBC Studios para dito.
Ang Pinoy remake ng “Doctor Foster” ang una para sa isang scripted British series pagkatapos pumatok sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kakaibang kwento nito ng pagtataksil at paghihiganti.
Tampok sa serye ang kwento ng isang babaeng biniyayaan ng isang masaya at kumpletong pamilya, na dahan-dahang mawawasak sa oras na makutuban niyang nanloloko ang kanyang asawa hanggang sa makumpirma niya ito.
Ang Pilipinas ang ikaanim na bansang gagawa ng sarili nitong bersyon ng “Doctor Foster” pagkatapos ng South Korea, India (Out of Love), Russia (Tell Me the Truth), Turkey (Sadakatsiz), at France (Infidéle).
Ang original British series ay isinulat ni Mike Bartlett para sa BBC One sa produksyon ng Drama Republic.
Teka, sinu-sino kaya ang mapipili ng ABS-CBN para magbida sa “Doctor Foster”? Totoo kayang ang TV series na ito ang hudyat ng muling pagsasama nina Piolo Pascual at Judy Ann Santos sa isang project?
Nakakatuwa ring ginawan pa ng mga netizens ng art card sina Juday at Piolo mula sa “The World Of A Married Couple.” Magandang reunion project ito ng dalawa pag nagkataon, huh!
Eh, kung si Juday ang gaganap na legal wife, sino naman kaya ang bagay na maging other woman na dapat ay bata at palaban ang personality? True din kaya na ang pinagpipilian for the role ay si Janine Gutierrez at Charlie Dizon na bumida sa Fangirl?
Well, let’s just wait na lang sa magiging announcement ng ABS-CBN.