SINUSULAT ITO ay nasa ICU pa rin si Tito Dolphy, pero umigi-igi na ang kanyang pakiramdam, although nandu’n pa rin ang peligrong any moment ay puwedeng magpaalam ang King of Comedy.
Isang source ang nagsabing sumesenyas na si Mang Dolphy na iuwi na siya sa bahay at bahala na kung du’n siya aabutin. Ewan kung susundin ito ng mga anak.
Siguro nga’y pagod na rin si Tito Dolphy at lalo lang itong nade-depress kapag alam niyang nasa ospital siya’t kung ano-ano ang nakasaksak sa katawan niya.
Hintayin natin ang balita kung iuuwi na nga ang Ace Comedian.
KUNG MAPAPANSIN ninyo, lumampas na sa taning na ibinigay si Tito Dolphy. Naririto na rin ang iba niyang anak na naninirahan sa abroad at ine-enjoy ang bawat segundong humihinga pa ang kanilang ama.
Pero kung iisipin nating maigi, ang tibay ni Tito Dolphy, ‘no? Ayaw pa niyang bumigay. Hindi natin alam ngayon: ano ba ang hinihintay ng komedyante? Ba’t ayaw pa niyang magpahinga?
Naisip namin, ito kaya ‘yung gusto niyang marinig ang confirmation na natupad na ang inaasam-asam niyang ibibigay rin sa kanya ang pinapangarap niyang National Artist award?
Kidding aside, kung ang paghihintay ng gawad na ito ang hinihintay lang ni Tito Dolphy at magpapaalam na siya, ‘wag na munang ibigay para humaba ang buhay ng komedyante.
But seriously, sana nga, ibigay na kay Tito Dolphy habang maririnig at mararamdaman pa niya ang paghawak ng plake na nagsasabing isa siyang National Artist at bahagi na siya ng kasaysayan ng Pilipinas.
KUNG MASAYA naman si Ruffa Gutierrez sa naging desisyon niya na layasan na nang tuluyan ang kanyang talk show na Paparazzi, wala nang puwede pang magduda na pinanindigan na lang ni Ruffa ang kanyang galit, kaya siya nakapagbitaw na magre-resign na siya.
Nandiyan na ‘yan. Lesson ‘yan para sa lahat. Anyway, meron namang bagong programa si Ruffa sa TV5, kung happy siya doon sa kanyang role, deadmahin na lang niya ang mga banat sa kanya ng ibang reporter.
Heto’t si Tita Annabelle Rama ay inokray-okray na rin si Tita Swarding sa twitter. Sinabihan pang bangkay at noon pa patay, pero sabi nga ni Tita Swarding, “I’m still alive!”
Hindi natin alam kung saan pa hahantong ang usaping ito, dahil si Tita Swarding, ayaw ring pakabog kay Tita Annabelle.
NAKAKAKILABOT ANG full trailer ng The Healing, grabe! Si Ate Vilma Santos talaga, minsan lang sa isang taon (suwerte na ngang makaisa, eh!) gumawa ng pelikula, pinag-uusapan talaga at lutang na lutang ang kalidad.
Juice ko, Chito Roño ba naman ang director na sanay na sanay nang manakot ng audience, isama pa sina Kim Chiu, Janice de Belen, Daria Ramirez, Joel Torre, Pokwang, Martin Del Rosario, I’m sure, na-ngangamoy box-office hit ito.
Juice ko, ‘wag lang “extended” ang ulan sa July 25, sure na sure ‘yan!
Oh My G!
by Ogie Diaz