IN FAIRNESS KAY Mang Dolphy, kaya pa niyang magpa-presscon kahit aminado itong mahina na siya at tinamaan ito ng matinding pulmonya kamakailan lang.
Nagpa-presscon ito para sa pelikula niyang Father Jejemon na entry ng RVQ Productions sa nalalapit na Metro Manila Film Festival. Nagawa pa nitong makipagbiruan sa mga reporters na dumalo sa presscon niya nu’ng kamakalawa ng gabi.
Aminado naman si Mang Dolphy na hindi na siya kasinlakas gaya nu’ng dati dahil 82 years old na siya at humina raw siya pagkatapos niyang magkasakit. Inamin din niyang ino-oxygen siya agad kapag inaatake ito ng hika niya. Mabuti pa nga raw at natapos pa niya ang pelikulang Father Jejemon kahit pahintu-hinto siya minsan, dahil hindi na raw niya kaya ang sunud-sunod na shooting.
Si Zsa Zsa Padilla na nga ang sumalo bilang producer dahil hirap na raw siyang pumirma ng tseke. Ipinaubaya na raw niya kay Zsa Zsa ang pamamahala ng RVQ Productions at natutuwa naman daw siya dahil na-handle naman ito nang mabuti.
Sabi nga ni Zsa Zsa, naging producer daw siya by default dahil wala naman daw siyang magagawa kundi saluhin na ito.
Medyo na-stress daw si Zsa Zsa dahil hindi naman daw kagaya ni Mang Dolphy na relax lang at hindi napi-pressure bilang producer. Sana nga raw ‘yun ang matutunan niya kay Mang Dolphy kapag tuluy-tuloy na ang pagpu-produce niya.
DOON PA RIN sa presscon ng Father Jejemon, natanong na rin kay Mang Dolphy ang tungkol sa nangyari sa kanyang apo na hinalay.
Nasaktan nga raw nang husto si Mang Dolphy sa nangyari dahil special child pa pala itong apo niya, pagkatapos sinapit pa ang ganu’ng kapalaran. Awang-awa raw siya sa apo niya kaya dapat na managot daw ang may kagagawan nito. Dapat mabigyan daw ng hustisya itong ginawa sa apo niya.
Ibinilin ni Mang Dolphy na sa darating na Pasko ay papuntahin itong apo niya para makumusta naman ito pagkatapos ng nangyaring panghahalay rito.
Kahit nga si Zsa Zsa ay apektado rin sa nangyari at hindi nga raw niya masabi kung ano ang naramdaman niya dahil sa sobrang awa sa bata.
HULING LINGGO NA raw ni Regine Velasquez ang partisipasyon niya sa Party Pilipinas, kaya binigyan ito ng bonggang-bonggang shower party.
Ang pagkakaalam ko, sa Biyernes na rin ang last taping niya sa I Heart You Pare nila ni Dingdong Dantes dahil kailangan na raw niyang magpahinga bago dumating ang takdang araw ng kasal nila ni Ogie Alcasid.
Ayaw na siyang pagtrabahuhin ni Ogie dahil ang gusto nito, maganda siya at nakapagpahinga nang mabuti bago dumating ang kasal.
Pero pagkatapos ng kasal, balik-trabaho na siya at pagkatapos daw ng taping niya sa I Heart You Pare sila magha-honeymoon sa Europe.
Kung mabubuntis agad si Regine, hindi na raw muna matutuloy ang honeymoon.
Abangan n’yo na lang ang special na ito ng GMA-7 na mapapanood sa December 26, pagkatapos ng kasal.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis