KAPANSIN-PANSIN SA Facebook ang mga kabataang naglalagay ng Dota University bilang kanilang paaralan sa Facebook profile nila. Marami ring bali-balita na kay raming bagets ang hindi pumapasok para lang makapag-online gaming sa labas ng eskuwela. Kung ‘yong iba, pumapasok nga pero pag-uwi naman nila, computer games agad ang inaatupag. Kaya naman parami na nang parami ang mga magulang ang nababahala sa kinauugalian ng kanilang anak.
Pero paano kung sabihin ko sa inyo na ang online gaming ay isa nang pormal na kurso sa isang unibersidad? Hindi ka makapaniwala? Totoo ito. Kaya nga maraming bagets ang gusto nang lumipad ng ibang bansa gaya ng South Korea dahil ang isang unibersidad doon, Chung Ang University, ay nag-aalok ng kurso na BSc (Hons) Computer Technology. Ang nasabing kurso ay idinesenyo para sa mga pro-gamers talaga. Hinahayaan nito na makuha mo ang kurso na naglalayon na kapulutan ng aral ang mga online gaming ngayon. Gusto rin nila na magkaroon ka ng magandang career sa larangan ng computer gaming technology.
Ang nasabing kurso ay naka-focus sa pagbibigay ng techniques sa computer programming para makagawa ng high quality game products. Masyadong malawak ang sakop ng kursong ito dahil kasama rin dito ang essential fundamentals of computer science at computing fields gaya ng user interfaces at artificial intelligence.
Ang kurso ring ito ay mahahati sa apat: basic programming, game concepts of engine development, game console at hardware design. Kasama rin dito ang iba’t ibang klase ng game industry at ito ang: Rare Ltd, Blitz Games Studios, Jagex at Eutechnyx.
Ang masasabi ko lang sa kursong ito ay isang malaking “WOW”. Akalain mo ‘yon, ang hilig ng karamihan sa mga bagets ngayon, ang paglalaro ng online games na sinasabing salot sa kinabukasan ng bagets ay isa na ngayong kurso sa kolehiyo. Kita mo nga naman, puwede nang magkatotoo ang biruan na “Cum Laude ka na sa Dota University.”
At hindi pa natatapos diyan, maraming oportunidad din ang naghihintay sa mga magsisipagtapos ng kursong ito. Ito ay sa kadahilanan na nag-aalok ng mga trabaho ang mga kumpanya na nasa gaming fields gaya ng Blitz Game Studios, Microsoft Rare, X-box LIVE, Lion Head Studios at maging ang sikat na sikat na Sony Studios. O, saan ka pa?
“Entertainment and Educational Serious Games,” ‘yan ang pinakalayunin ng kursong BSc (Hons) Computer Technology. Sabi nila sa kursong ito, hindi ka lang basta-basta simpleng estudyante. Mararanasan mo ring maging programmers, sound engineers at artists nang sabay-sabay. Paniguradong pareho gagana ang kaliwa at kanan mong utak sa kursong ito. Hindi lang puro teorya ang nilalaman ng curriculum, may computation din naman ito at creative art.
Siguro ang iba sa inyo ay nalulungkot dahil sa South Korea pa lang mayroong ganito. Pero anong malay natin, baka bukas makalawa mayroon na ring kursong ganito sa bansa natin. Patunay lamang ito na kakaiba na ang tinatakbo ng inobasyon sa teknolohiya ngayon. At nasa sa atin na kung paano natin ito gagamitin sa mabuting pamamaraan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo