WE THOUGHT IT was our diabetes when we felt strange that Saturday morning. Nabibigatan ang katawan namin to attend Al Sun’s acting workshop, and on our way, we received text messages, from different people, informing us that Douglas Quijano, a very dear friend, just passed away.
Tahasan din naming sasabihin, si Douglas Quijano ang the best talent manager we have ever met. Pasintabi sa mga taga-PAMI, o kahit sa mga management arms ng malalaking network, pagsama-samahin pa ang mga puwersa nila, hindi nila kayang ma-achieve ang nagawa ng isang Douglas Quijano. I’m sure, they will all agree.
Sa pagyao ni Tito Dougs, sa palagay namin, tuluyang mababaon sa hukay ang mas tumpak na sistema ng pagma-manage ng mga artista, na sa ngayon ay binubura na ng malalaking networks. Si Tito Dougs, never niyang inilayo ang mga alaga niya sa press. Inaalam niya kung sinu-sino ang mga totoong makatutulong, at kahit nga ‘yung mga reporter na naghahanap ng pagkalinga o suporta, binibigyan niya ng panahon.
Masakit ma-realize, gaya ng naririnig namin sa ilang mga kabataang artista, sa halip na turuan sila ng mga tinatawag na handler nila ng tamang pakikipagkapwa-tao sa showbiz, pakikisama sa mga press, nagbibigay pa sila ng ideya na ang pakikipag-close sa gaya namin ay ikapapahamak pa nila, in the long run.
Ang bago subalit bulok na sistema ng pagmamaniobra ng mga career ay nakikita, sa ngayon pa lang, ‘yung pangit na resulta. Maagang pinagsasawaan ang mga artista. Hindi nalilinang ang mga talento nila, to acquire legendary status, and even multi-million peso deals sa kabila ng pagtagal nila sa larangang ito.
Palibhasa’y malalaking network ang sumusuporta sa kanila, kapag hindi na gaanong pakikinabangan ang mga artista’y tumututok na sila sa mga bago. Kaya ang mga artista ngayon, habang maaga pa’t mainit sila, para silang mga kalabaw kung magtrabaho at hindi na nga nahaharap pa ang ibang mas mahahalagang bagay na dapat naitatanim nila sa showbiz — ang magandang pakikisama at pagsuporta sa iba pa na hindi kinakailangan ang financial rewards or considerations.
Si Tito Dougs, karamihan ng mga alaga niya, magpapatuloy na naririyan dala-dala ang primera klaseng managerial breeding. Ang repleksiyon ni Tito Dougs, dala-dala pa rin hanggang ngayon nina Richard Gomez, Lucy Torres-Gomez, Janice de Belen, Gelli de Belen, John Estrada, Wendell Ramos, Antonio Aquitania, William Martinez, Nadia Montenegro, Jomari Yllana, Mark Anthony Fernandez, Eric Fructuoso, at marami pang iba.
Sabihin mang ang karamihan sa kanila ay wala na sa panahon, pero mananatili silang naririyan dahil, higit sa anupaman, ang naitanim na pagmamahal at pakikisama ni Tito Dougs sa marami sa industriya ay sapat pa rin para buhayin ang mga career nila, at maging ang susunod pang mga henerasyon na may kaugnayan sa mga artistang aming nabanggit.
Ang mas malalim at personal na pakikipag-ugnayan ng mga nagma-manage (lalo na ang management arms ng naglalakihang networks) ay kulang at hindi kailanman maihahalintulad sa pakikipag-deal ni Tito Dougs sa sinuman sa kanyang mga talent, surprisingly, kahit walang binding written contract.
Ang karamihan sa mga alaga niya’y naging loyal sa kanya, sa gitna ng kawalan ng pressures ng mga mapagkunwaring kontratang puro vested interests lang ang pinaiiral. ‘Yan ang malaking kaibahan ng showbiz ngayon kung ikukumpara sa panahong nagbigay ng tunay na ningning dito, dahil na rin sa mga taong gaya ni Douglas Quijano.
Calm Ever
Archie de Calma