DIRETSONG ANIM NA taon akong naglingkod bilang spokesman o tagapagsalita ni dating Pangalawang Pangulo Doy Laurel. Late 80’s. Katatapos lang ng Edsa Revolution at kainitan ng Cory Magic. Tumagal lamang si Doy nang mahigit na isang taon bilang kalihim ng Foreign Affairs, nagbitiw siya dahil sa malubhang conflict of principles kay Cory. Hanggang matapos ang kanyang termino siya ay nanatili sa mainstream political opposition.
Ako ay isang original at genuine Laurel boy. Nagtapos ako ng journalism sa Lyceum of the Philippines, pag-aari ni late Dr. Sotero Laurel, matandang kapatid ni Doy. Dito sa Lyceum pinanday ang aking kaisipan ng Filipinismo, isang patriotic advocacy ng angkang Laurel.
Bakit sumaisip ang alaala ni Doy? Marahil ay dahil malapit na ang kanyang 72nd kaarawan, Nobyembre 17. Marahil din ay dahil sa mga lumulutang na pulutong ng political leaders ay walang maihahalintulad sa kanya. O marahil ay minahal at hinangaan ko siyang isang nilalang, kapatid at kaibigan at lider ng bansa.
Nabalitaan ko naipagbili na ng kanyang biyuda, Celia, ang kanilang historic Shaw Boulevard residence. Lubha akong nalungkot. Ang tahanang ito ay punung-puno ng mayamang alaala lalo na noong bago mag-Edsa Revolution. Dito isinaplano at isinabuo ang pagpapatalsik kay diktador Marcos. Dito rin ipinahayag ni Doy ang pagbibigay-daan niya sa kandidatura ni Cory bilang pangulo.
Sa loob ng anim na taong singkad, napakarami naming pinagsaluhang alaska ni Doy. Totoo, baul-baul na alalala. Karamihan maganda, malungkot at makasaysayan. Si Doy ay taong mortal na may pang-lupa, subalit ang kanyang pag iisip ay may bagwis ng agila. Pumapalaot. Laging nananawagan sa mga Pilipino na mahalin ang bayan. Sa daming alalala, ang pagmamahal niya sa bayan ang aking ‘di malilimutan. Doy Laurel, habang buhay kong idolo.
NAKAKABAGOT ANG MABAGAL na pag usad ng pagtanda. Nakakapagod din kung wala kang ginagawa. Kaya pinupurihan ko si Sen. Miriam D. Santiago sa kanyang panukala na itaas ang compulsory retirement age hanggang 70. Sa edad na ito, produktibo pa ang tao. Mga 65 anyos na retirees ay madaling mararatay sa karamdaman at kamatayan dahil sa pagkabagot na magdudulot ng balisa at kung anu-anong sakit.
Ngunit walang makahihinto ng orasan ng panahon. Dumarating ang sakit, aksidente at kamatayan. Walang pasubali: kamatayan ‘di dapat katakutan. Dapat paghandaan.
SAMUT-SAMOT
ANG MGA TV viewers ay ‘di dapat nagpapalinlang sa isang TV medical program ng Channel 2. Ang programang ito, sa totoo lang ay hindi public service program kundi isang promo ng isang gamot sa ubo.
Nasaan na ang Dengue advisory ni Dr. Eric Tayog sa Channel 2? Buti kanselado na. Biro mo sa loob ng 10 segundong advisory kalahati nito ay pag-aadvertise sa kanyang sarili: “Ito po si Dr. Erick Tayog, DOH medical director, DOH assistant secretary, DOH official spokesman”. Kulang sa pansin!
BUMILI MULI AKO ng tatlong pares na lovebirds kahapon. Mahigit nang 50 pares ang humuhuni, lumilipad at umaawit sa aking bagong pinatayong aviary. Nakakahalina ng puso ko kapag pinagmamasdan ko sila. Masasaya! Walang problema. Walang intriga. ‘Di kagaya ng taong nilalang. Mahabang oras ko silang pinagmamasdan tuwing umaga at hapon. At nakakasagap ako ng lakas at kasiyahang ‘di maipaliwang. Minsan naisip ko tuloy: Sana naging isang lovebird na lang ako.
‘DI LALAON, PASKO na. Dumarami na nagtitinda ng bibingka at puto bung-bong. Parati na ring puno ang mga shopping malls at Divisoria. Bilis ng panahon. Parang gomang binabanat. Ano ang hinaharap? Ang sigurado: Taksang suliranin at hamon pa rin. Ngunit dapat tayong umasa at magpakatatag. At manalig sa awa at pagmamahal ng Panginoong Diyos.
MAHIGIT NA APAT na taon na akong nagpi-feeding program sa mahigit na 200 street children sa Ortigas at Pasig City. Tuwing Sabado, mga suput-supot na pagkain ang pinamamahagi ko sa kanila. Sa loob ng panahong iyon, kailan ko lang napansin na ang ibang mga street children ay halos binatilyo at dalagita na. Subalit hanggang ngayon nakababad pa rin sila sa ulan at araw ng kalsada, naghahanap-buhay, lumalaban sa uhaw at gutom ng kahirapan. Nalungkot ako sa gunita. May naalaala kong isang kasabihan, ang hirap ay hindi lamang maghihirap sa loob ng isang araw kundi sa buo nilang buhay. Nakakahabag na mga nilalang.
Nakunsensya ako tuloy sa nangyari sa bahay kamakailan. Dalawa kong apo ay umiiyak at nagrereklamo dahil ayaw nila ng mga ulam at iba pang pagkain sa tanghalian. Sabi ko sa kanila: “Masuwerte kayo at may pagkain tayo sa hapag. Sa labas, libu-libong mga bata ang nagugutom sa oras na ito. Magpasalamat tayo sa araw-araw na biyaya ng Diyos.”
Sa susunod na sampung taon tinitiyak na 7 bilyon na ang magiging populasyon ng mundo. Ang populasyon ng ating bansa ay maaaring humataw hanggang 120 milyon. 80% ng bilang na ‘yan ay mahihirap. Hanggang ngayon, wala pang definite population planning program ang pamahalaan. Papaano papakainin ang mahihirap na ito.
TUWING UMAGA, ‘DI ko mawari kung bakit eksaktong 3:30 am ay gumigising ako. Tatakbo sa banyo, magbabalot ng kumot, maglalagay ng unan sa likod upang makatulog muli. Ngunit mahirap. Ilang doktor na ang kinonsulta ko sa bagay na ito. Sabi nila kasama ito sa pagtanda. May hormonal changes daw. Kaya hindi pag-inom ng sleeping pills ang lunas nito. Lahat ng kasing edad ko ay ganito ang reklamo.
QUOTE OF THE WEEK
IMPOSSIBLE?
Here’s a text message I received: “A hundred years ago, they said that a black man can become a resident of the USA, pigs would fly! Now on the 100th day of Obama’s presidency, guess what? Swine flew!”
Anything is possible in this life. Nothing is impossible with God.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez