NAKIKIUSAP NA SI Dra. Vicki Belo sa publiko na sana, bigyan daw ng pagkakataon si Hayden Kho Jr. na mapatunayang sincere siya sa pagpapakasal sa kanya.
Nakita naman daw niyang malaki na ang ipinagbago ni Hayden at sobrang na-touch daw siya nang inayos nito ang pre-nuptial agreement para walang masasabing ang pera lang ni Dra. Belo ang habol nito.
Nagpapasalamat na nga si Vicki at medyo okay na raw ang anak niyang si Direk Quark Henares sa balak nilang pagpapakasal, pero ang isa pa niyang anak na si Cristalle ay medyo hindi pa raw niya nahihilot kaya sana maging okay na rin daw ito.
Alam ko, umalis sina Dra. Belo at Hayden patungong Amerika kahapon at tutuloy raw sila ng Peru.
Maghahanap sila ng lugar na pagkakasalan nila at baka nga roon sa Peru, dahil paboritong puntahan pala nila roon ang Machu Picchu.
Sabi kasi ni Vicki, kung sakaling matutuloy ang kasal nila next year, malamang na sa ibang bansa raw nila ito gagawin kasama ang pamilya at malalapit na kaibigan.
Very intimate lang daw ang se-remonya dahil gusto nilang sila lang talaga, kasama ang mga taong kumportable sila.
Ayaw naman daw ni Hayden na gawing circus pa ito kundi very private lang.
Kaya hayaan na sila siguro dahil ‘yun ang nagpapasaya sa kanila. Wish na lang natin na happy ending itong lovelife nilang dalawa.
CONGRATULATIONS SA BUMUBUO ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival dahil napaka-successful nito, kung saan isang linggong pinanood ang mga pelikulang kalahok.
Wala naman akong panahong mag-iikot sa CCP at Greenbelt 3 na pinagpalabasan ng mga pelikulang kalahok.
Pero sa mga naririnig ko lang, waging-wagi raw sa mga manonood ang Ang Babae sa Septic Tank ni Eugene Domingo.
Hinuhulaang siya nga ang magwawaging Best Actress pero mukhang mahigpit ding kalaban si Cherry Pie Picache sa Isda.
Sa Best Actor naman, mukhang wagi raw rito si Edgar Allan Guzman sa Ligo na U, Lapit na Me.
Siyempre nakikinig lang naman ako sa mga kuwento ng mga bakla na nagbababad doon para mapanood ‘tong mga pelikulang ito.
Bilib nga ako kay Mother Lily dahil halos araw-araw nandu’n siya sa CCP para panoorin ang lahat na mga indie films.
Ngayon lang siya na-hook sa mga indie films at nag-enjoy naman daw siya.
Tuwang-tuwa nga siya dahil doon niya nakita na marami nga palang magagaling na direktor at artista sa indie films.
Malamang marami sa kanila ang kukunin na ni Mother Lily dahil nagustuhan niya ang karamihang pelikulang kalahok.
Siguro ngayon, alam n’yo na kung sino ang mga nagwagi dahil kagabi lang ang awards night ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival na ginanap sa CCP.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis