USO NGAYON ang house parties sa mga bagets. Para nga sa iba, mas masaya pa ito, kasi non-stop ang saya. Walang makapagpipigil sa iyo dahil nasa sarili ka namang pamamahay. Pero konting konsiderasyon din naman sa kapit-bahay lalo na kung kayo ng barkada mo ay magkakantahan at lalo na kung wala sa tono ang boses. Kapag house parties, mas makatitipid ka pa lalo na sa magho-host ng nasabing party. Pagkain at inumin na lang ang poproblemahin. At kapag house parties, hindi puwedeng mawala ang drinks o inuman session. Sa children’s party na lang yata ito puwedeng mawala. Kaya lang, masyado nang boring kung habang inuman session kasama ang magbabarkada ay sinasamahan lang ng kuwentuhan. Puwede itong lagyan ng twist sa pamamagitan ng paglalaro ng drinking games. Basta paalala, ang artikulo na ito ay para sa mga bagets na nasa 18 taong gulang pataas lamang. Kung bagets ka na wala pa sa legal na edad at gustong laruin ang mga sasabihin ko, puwede naman siguro, soft drinks or juice nga lang ang iinumin at bawal pa ang alcoholic drinks.
Anu-ano nga ba ang mga irerekomenda ko na drinking games?
1. “Exhaust”
Ang larong ito ay tinatawag na exhaust dahil ang mechanics ng laro ay kailangan ang magbabarkada ay nakapabilog. Ang taya sa umpisa ay magbibigay ng kahit anong kategorya. Ang bawat isa ay dapat magbigay ng mga salita na nakaayon o kasama sa kategorya na nabanggit. At kung ikaw ay naubusan na ng sasabihin, inulit ang mga nasabi na o wala ka talagang nasabi, ikaw ang iinom. Halimbawa, ang taya ay sinabi na “Mga kanta ni Miley Cyrus”. Bawat isa sa inyo ay kailangang magsabi ng kanta ni Miley Cyrus. Bawal umulit. At kapag naubusan ka na, inom ang katapat n’yan! Pero kung ikaw na ang susunod na taya dahil naubusan ka ng mga sasabihin, kung ako sa iyo, gumanti ka! Magbigay ka ng kategorya na limitado lang ang puwedeng masabi tulad ng “letra sa acronyms ng sakit sa Ice Bucket Challenge”. Para sa gayon, tatlo lang ang makasasagot. May iinom agad!
2. “Awkward Questions”
Isa ito sa mabentang laro para sa mga bagets. Lalo na sa magbabarkada na matagal hindi nagkita-kita. Magtatanungan lamang kayo ng mga awkward questions o nakakailang na tanong sa isa’t isa. Ang magtatanong ay maghahamon ng isa sa grupo na sagutin ang kanyang tanong. Pagkasagot, saka siya iinom hanggang sa matanong at makainom ang lahat. Mabenta ito sa mga bagets dahil ito na ang pagkakataon nilang malaman ang mga tinatagong sikreto ng kaibigan lalo na kung noon pa lamang, may tamang hinala na sila.
3. “I’ve never been”
Kailangan ding nakapaikot ang magbabarkada dito. Ang bawat isa ay dudugtungan lamang ang mga salitang “I’ve never been…” Kung nagawa mo na ang nasabi ng taya. Sa pagsabi ng “Go”, kinakailangan mong uminom o mag-shot. Halimbawa, sinabi ng taya na “I’ve never been to Boracay.” Kung ikaw ay nakapunta na ng Boracay, kailangan mong mag-shot. Ang bawat isa ay mabibigyan ng pagkakataong maging taya. Nasa sa iyo na rin kung magpapakatotoo ka.
Ito ang drinking games na madali man, masaya namang laruin. Paalala lamang, hindi porke’t nasa legal na gulang na kayo ay hindi na kayo magiging responsable sa pag-inom. Maging responsableng kabataan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo