PINATAY NOONG ISANG linggo ang Deputy Director for Security ng New Bilibid Prisons na si Rodrigo Mercado.
Droga, parekoy, ang itinuturong dahilan dahil sa matinding hakbang niya laban sa droga sa loob ng Bilibid ilang linggo bago ito pinaslang.
Si Mercado, parekoy, ang dahilan kaya nalagyan ng security cameras ang loob ng nasabing kulungan, kaya naman napatunayan talaga kung gaano katalamak ang droga sa “oblo”.
Para sa kaalaman ng lahat, hindi halo-halo sa “oblo” kung ang pag-uusapan ay ang Bilibid.
Lahat ng bagong pasok doon, naka-kuwarentina muna ng tatlong buwan sa Reception and Diagnostic Center (RDC).
Maliban sa mga ginagawang “orderly” d’yan sa Bldg 3 (RDC), pagkaraan ng tatlong buwan ay nati-T.O. (travel order) na ang mga bilanggo depende sa dapat kalagyan.
Ang matataas ang hatol, may record of escape at ex-con ay dinadala sa Maximum Security Compound.
Ang iba ay sa katabing Medium Security at ang drugs-related cases, parekoy, ay sa Therapeutic Community (TC Bldg).
Ang malapit nang lumaya ay doon naman ang bagsak sa Minimum Security na kilala sa tawag na Depo, bukang-liwayway o living-out.
Sa mga nabanggit, doon sa Maximum at Minimum ang talamak.
Huwag kang magkamali, Dir. Totoy Diokno, na sabihing mali ako!
Sa totoo lang, parekoy, hindi lamang droga ang talamak ng mga nasa Minimum, dahil sila ay maghapong “pasiwil-siwil” sa kapaligiran… kapiling ng taumbayan!
Kung may magbabayad sa kanila para pumatay, magpalit lang ng damit, sumakay ng tricycle palabas at presto! Uuwi na lang kinahapunan kapag mission accomplished na!
Ewan lang natin, parekoy, kung hindi pa rin alam ni Dir. Diokno ang raket sa “oblo”.
Na wala, uulitin ko, WALA kahit sinong preso, kahit anong pangkat na mag-i-iligal sa “oblo” nang walang basbas sa empleyado!
Mas maliit na iligal, mabababa naman ang ranggo nang nakapatong.
Mas malaki at malawak na iligal, mas mataas ang ranggo ng nakapatong!
Paano ito masusugpo?
Mga T-shirt lang, parekoy, ang katapat niyan… at mga ICA mula sa Medium Security Compound.
Alam ko, Dir. Diokno, na kung mag-research ka lang ay malalaman mo ang ibig kong sabihin.
Baka naman gusto mo akong gawing adviser?
Hak, hak, hak. Ihanda mo muna ang aking bullet proof! (May karugtong)
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303