Droga sa Pasig at Bagman sa SPD

MALAKING KAGAGUHAN ang ipinakita ng pamunuan ng Pasig City Police at Eastern Police District kaugnay sa pamamaril sa isang reporter ng Daily Tribune na si Fernan Angeles.

Dahil sa insidente, kaagad nag-utos ang Palasyo sa kapulisan na magsagawa ng malaliman at agarang imbestigasyon upang makilala at madakip ang mga salarin.

Ang ginawa naman ng pamunuan ng Pasig City Police at EPD, agad nilang iwinagayway ang “warrant of arrest” umano ni Fernan kasabay ang pahayag na kapag medyo gumaling na ang nasabing mamamahayag ay agad nila itong aarestuhin.

Maliban pa rito, sa mga darating na araw ay isasailalim umano nila si Fernan sa isang “drug test” upang madetermina kung gumagamit nga ba ito ng iligal na droga!

Dahil dito, nagpahayag si DILG Secretary Jesse Robredo ng matin-ding galit sa nasabing mga pulis.

Tumpak si Sec. Robredo, kundi nga ba naman mga ungas ang mga demonyong opisyal na ito sa EPD, aba eh, sa halip na imbestigahan ang nasabing pamamaril sa nabanggit na mediaman ay ang kaso tuloy nito ang kanilang inungkat!

Ang ibig nating sabihin, parekoy, kung totoo man o hindi na may aresto itong si Fernan at kung totoo man o hindi na may dumadaloy na kemikal ng iligal na droga sa kanyang katawan ay hindi ‘yun ang pinaiimbestigahan ng Palasyo.

Ang nasabing mga problema ni Fernan, kung meron man ay problema niya ito na dapat niyang harapin sa tamang panahon.

Pero ang dapat na inaagapan sa kasalukuyan ng hinayupak na mga pulis na ito ay kung paano makikilala at mahuli ang mga salarin sa pamamaril sa kanya.

Kaya kitang-kita, parekoy, na nais ilihis ng mga demonyong opisyal sa EPD ang atensiyon ng publiko at bitbitin ang imbestigasyon sa direksiyon na nais nila!

In-short, halatang halata na may pinagtatakpan sila.

Ang masakit, mismong si DILG Sec. Jesse Robredo ang nagbulgar na mayroon siyang hawak na mga report na ilang opisyal ng Pasig City Police/ EPD ang nasa payroll ng kilalang pusher ng iligal na droga sa Pasig City.

Ibig sabihin, protector ng iligal na droga ang mga demonyo!!!

Kaya hindi nakapagtataka na nais nilang ilihis ang imbestigasyon!

Kapag hindi sinampolan ng pagsibak ni Sec. Robredo ang mga halimaw na opisyal ng PNP, isang araw darami nang husto ang mga pulis na magiging protector ng iligal na droga.

At magiging talamak at walang pakundangan ang gagawin nilang pamamaslang sa mga kasapi ng media!

Ewan ko lang, parekoy, kung bahagi pa ito ng matuwid na daan ni P-Noy!!!

LAGLAG-BALIKAT ANG ilang pulis na nangangarap maging “bagman” sa Southern Police District.

‘Yan, parekoy, ang ipinaabot ng ating “tawiwit” na isa ring pulis sa SPD.

Ang dahilan, akala nitong mga pulis na nangangarap maging “bagman” ay makakadikit sila sa bagong talaga na District Director na si C/Supt. George Regis.

Mali sila, parekoy.

Maling-mali! Hak, hak, hak!

Alam n’yo kung bakit? Sapagkat si Sgt. Dizon na “bagman” ng dating DD ang siya pa ring nanalo sa bidding!

Walang-hiyang buhay na ito, parekoy, pati pala pagiging bagman ay may bidding pa! P’we!

Gaano katotoo, Gen. Regis, sir na nagsagawa ka ng bidding sa pagiging “bagman” mo at ito ngang si Sgt. Dizon ang nanalo?

Kung sabihin mo namang hindi totoo, aba eh, bakit hindi mo pinaiimbestigahan itong si Dizon na walang sawa sa kaiikot sa mga iligalista at tangay-tangay ang pangalan mo?

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleBigamy ng OFW
Next articleIbon sa Himpapawid

No posts to display