SA ISANG bansang may soberenya, ang pamahalaan dapat ang may kapangyarihang mamuno, magpatupad ng batas at magpasunod sa mga tao. Ngunit tila iba ang nagaganap ngayon sa ating bansa at wari ko’y malalim na ang problemang ito. Mayroong mas makapangyarihan sa pamahalaan na kayang magpakilos ng mga opisyales ng gobyerno, politiko at maging mga pulis. Sila ang mga drug lord sa Pilipinas.
Sa ginawang sorpresang raid ng Department of Justice (DOJ) sa Bilibid ay karamihan sa mga presong maimpluwensya na kinakitaan ng mga maluluhong gamit, alahas at limpak-limpak na pera ay mga convicted drug lord. Malaking palaisipan kung papaano naipasok ang mga ito sa loob ng piitan. Tila matagal na rin ang ganitong sistema sa loob ng Bilibid. At kung kayang ipasok ang mga malalaking gamit gaya ng Jacuzzi, entertainment system at iba pang malalaking bagay so loob ng Bilibid ay tiyak na kayang-kaya rin ng mga presong ito lumabas.
Ang pagkakabisto sa mga luho ng mga convicted drug lords sa loob ay nagpapakita lamang kung gaano makapangyarihan ang mga drug lords sa Pilipinas. Ang paghingi ng tulong ng director ng Bilibid sa DOJ, dahil sa ‘di umano’y hindi niya kaya ang impluwensya ng mga convicted drug lords, ay nagpapatunay na malakas ang kapangyarihan ng mga ito at may mga kasamahan silang nasa kapangyarihan sa pamahalaan.
HINDI MAGLALAKAS-LOOB ang mga drug lord na mamuhay nang ganitong kagarbo sa loob ng piitan kung wala silang kapangyarihan sa labas ng kulungan na nagdidikta sa mga taong may mataas na kapangyarihan sa pamahalaan. Tiyak na maraming politiko ang tau-tauhan ng mga drug lords na ito. Sila ang nagbibigay ng mga pondo para sa pagkandidato ng mga politikong ito at malamang ay pinanggagalingan ng perang pambili ng boto.
Ang pera mula sa droga ay napakamakapangyarihan sa ating bansa. Ang lahat halos ay kaya nitong bilhin. Simpleng-simple na lang ang mabayaran ang mga jail guard, opisyales ng Bilibid at iba pang mga sangay ng pamahalaan para manatiling tahimik ang operasyon ng droga sa loob ng piitan. Mas kumikita sila sa loob dahil maraming dati nang gumagamit ang nasa loob ng kulungan na ngayon ay malayang nakapagtutuloy ng kanilang mga bisyo.
Maaaring ang loob ng Bilibid ang bagong opisina ng mga drug lords dahil mas kontrolado nila ang paligid dito. Walang mga taga anti-narcotics na hahabol at maghahanap sa kanila. Sino ba namang mga pulis ang huhuli ng mga taong nakakulong na. Ang Bilibid ay tila naging langit para sa mga drug lords na ito dahil tila may proteksyon ang kanilang pag-operate sa loob ng piitan. At siguradong malaya silang nakalalabas sa Bilibid sa anumang araw at oras na naisin nila.
MALALIM NA ang kapangyarihan ng mga drug lord sa Pilipinas at hindi na yata sila kayang pigilin ng pamahalaan. Ang mga kababayan natin ay tila lulong na sa droga. Malaki ang bentahan at kita sa droga kaya nanatiling makapangyarihan ang mga drug lords dahil limpak-limpak ang kanilang mga pera. Ang mga ito ay tiyak na konektado rin sa iba pang krimen gaya ng kidnapping at gun for hire. Kung sa bagay, hirap nga ang mga kapulisan na tugisin ang mga riding in tandem, kaya’t lalo na silang walang magawa sa mga drug lord.
Nakababahala na ang bansa natin ay kontrolado ng mga drug lords. Kung kaya nilang maimpluwensyahan ang mga nasa pamahalaan ay tiyak na naiimpluwensyahan nila ang maraming bagay sa ating buhay at lipunan. Ang tanong ay saan na tayo pupulutin kung ganito ang kalakaran?
Ngayong nabisto na ng DOJ ang ganitong kapangyarihan ng mga drug lords sa loob ng Bilibid, ano ang kailangan nilang gawin para matiyak na ito na talaga ang katapusan ng mga naghahari-hariang drug lords? Ano ang katiyakan na hindi na nila magagamit muli ang kanilang kapangyarihan? Saan na sila dapat ikulong?
ANG SINASABI ni Secretary Leila De Lima na titiyakin niyang mas hahaba pa ang sentensya ng mga convicted drug lord ay sapat ba para matiyak na hindi na lamang paulit-ulit ang problema? Ang kadalasang nangyayari sa ating bayan ay ningas kugon lamang ang lahat. Sa simula lamang maghihigpit at lalaon ay babalik din sa dating mga kalokohan ang mga drug lord na ito.
Kapag nagpalit na ng mga opisyales sa pamahalaan at bago na rin ang pangulo ay malamang na gagapangin na naman ng mga galamay ng mga drug lords ang mga bagong namumuno. Gagamitan na naman nila ng pera at impluwensya ang pamahalaan para magtuloy ang kanilang kasamaan. Uulit lang ang lahat na tila walang katapusan.
Siguro ay panahon na talaga para ibalik ang parusang bitay. Hindi naman epektibo ang rehabilitation system sa ating bansa dahil hindi ito naipatutupad nang maayos. Kinakain ng kapangyarihan ng mga drug lords ang marami sa ating mga politiko at opisyales ng gobyerno. Kung sila ay mabibitay, tiyak na rito na matatapos ang kanilang kasamaan. Sa impiyerno na sila makikipag-ugnayan kay Satanas. Minsan nang nasampulan ang isang Chinese drug lord noong panahon ni Pangulong Marcos sa paraang firing squad. Sa araw ring iyon ay natapos ang impluwensya at kasamaan ng drug lord.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo