Dual Citizenship

Dear Atty. Acosta,

IPINANGANAK AKO noong 1989 dito sa Pilipinas. Ang ama ko ay isang Amerikano at ang aking ina ay Pilipina. Inaayos ng ama ko ang aking mga dokumento para ako ay maging Amerikano. Noong 2008, naaprubahan ang aking aplikasyon sa Bureau of Immigration para sa Recognition bilang isang Pilipino. Ibig po bang sabihin nito ay Dual Citizen na ako? Laging binabanggit ng aking ina na kailangan ko raw bumalik sa Amerika bago ang aking dalawangpu’t isang kaarawan upang hindi raw mawala ang aking US citizenship. Totoo po ba ito at kailangan ko bang gawin ito?

Ignacio

Dear Ignacio,

AYON SA ating 1986 Konstitusyon, ang taong isinilang na ang isa o parehong magulang ay Pilipino ay itinuturing na isang natural born citizen of the Philippines (Article IV, Section 1, 1986 Konstitusyon). Ibig sabihin nito ay wala nang kailangan gawin ang nasabing tao upang maging isang Pilipino. Ayon sa ating Konstitusyon, ikaw ay maituturing na isang Pilipino dahil ang iyong ina ay isang Pilipina. Ngunit masasabi rin na ikaw ay isang Amerikano sapagkat ang iyong ama ay Amerikano rin.

Ang proseso ng recognition na isinasagawa sa Bureau of Immigration ay naglalayon na mapatunayan na ang isang tao ay Pilipino. Igagawad ng ahensiya sa isang aplikante ang Identification Certificate kung mapatutunayan niya na siya ay Pilipino sa pamamagitan ng pagsumite ng mga kinakailangang dokumento. Kabilang sa mga dokumentong kailangang isumite ay ang kanyang birth certificate at birth certificate ng kanyang mga magulang. Ang Identification Certificate ay isang katibayan na ang isang tao ay Pilipino. Sa iyong kaso, maaari nga nating sabihin na ikaw ay may dual citizenship dahil kinikilala ka ng Pilipinas at Amerika bilang kanilang mamamayan. Ngunit nais lang naming ipaalam na hindi lahat ng bansa ay kinikilala ang pagkakaroon ng higit sa isang citizenship sapagkat may mga bansang ipinagbabawal ito. Iminumungkahi namin sa a-ming mambabasa na magtanong sa kinauukulang embassy o consulate office ng banyagang bansa.

Tungkol naman sa sinabi ng iyong ina, iminumungkahi namin na magsadya ka sa US Embassy upang itanong ang bagay na ito.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleDalawang Tutubi
Next articleAng Pobreng Lehitimong Customs Broker!

No posts to display