TOTOO PO BA ang sinabi ng Migrante Intl. na may mga kababayan tayo rito sa Saudi ng nagbebenta ng kanilang dugo para lang may ipangtawid-gutom o para may maipadalang pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas? Wala bang magagawa ang pamahalaang Pilipino tungkol dito? — Reynan ng Jeddah
BAGO PA MAN ito nabulgar, matagal na nating alam na nangyayari ang bagay na ito. Kapalit ng donasyon ng dugo, ang ating mga OFW ay tumatanggap ng “honorarium” na katumbas ng bayad para sa kanilang dugo. Pangkaraniwang ginagawa ito ng ating mga undocumented na OFW. Dati-rati pa nga ay napabalita na ang idino-donate ng mga manggagawa natin ay ang mga organs nila tulad ng kidney. At siyempre pa, pangkaraniwan na ang mga babaeng OFW na nagbebenta rin ng puri. Ang ugat ng lahat ng ito ay pagiging desperado ng mga kababayan natin – dahil sa kawalan ng trabaho, mga pang-aabuso at ‘di pagsuweldo, at iba pang kaapihan. At mas malubha ang kaso ng mga undocumented OFW. Kaya’t kung may gagawin mang aksyon ang ating gobyerno, dapat nitong tumbukin ang mga ugat na ito ng problema.
KAMING MAG-ASAWA AY nagbabalak mag-abroad. Pero hindi kami maaaring magsabay. Isa muna sa amin ang aalis. Sino po ang maipapayo n’yong dapat maunang umalis — ang babae o ang lalake ng tahanan? Ano po ang mas malaki ang epekto sa pamilya — ang umalis ang nanay o bumiyahe ang tatay? — Ludy ng Pozzorubio, Pangasinan
WALANG TIYAK NA kasagutan sa tanong mo. Sa tingin ko lang, kesyo maunang umalis ang lalaki o ang babae ay hindi gaanong mahalaga. Lahat ay depende kung sino ang maiiwang mag-aalaga sa mga anak ninyo. Sa madaling salita, kung maayos naman ang inyong pag-iiwanang asawa o kamag-anak, kahit sino sa inyo ay puwedeng maunang bumiyahe.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo