WALANG DAPAT i-pangamba ang sambayanang Pilipino kaugnay sa rocket na nakatakdang paliparin ng North Korea simula Abril 12-16, 2012.
Dahil ang anumang debris mula sa nasabing rocket ay tiyak na hindi makapagdudulot ng panganib sa mga karatig-bansa ng North Korea.
Tiyak, parekoy, na pulbos na ito bago makarating sa lupa.
Kung ito ay tutumbok ng South Korea, no problem dahil nakalatag na ang kanilang mga missile interceptor.
Lalo naman itong mapupulbos kung sumibad papunta sa airspace ng Japan.
Aba eh, sandamakmak na patriot missiles ang iniumang na ng mga Hapon.
Malaking pagkakamali lalo kung ang nasabing rocket ay lumihis naman papunta rito sa ‘Pinas.
Tangna, parekoy, handang-handa ‘ata ang ating pamahalaan tungkol sa bagay na ‘yan.
Kaya tiyak na pagsisisihan ng North Korea ang kanilang kapangahasan… dahil masasaksihan nila at ng buong mundo kung gaano ka-sopistikado ang ating teknolohiya pagdating diyan sa “misayl-misayl” attack na ‘yan, huh!
Salamat naman at nakipagtulungan nang husto ang lalawigan ng Bulacan sa ating paghahanda.
Dahil mismong sa himpapawid, kahit anino pa lang ng rocket na ‘yan ay dudurugin na ‘yan ng ating mga sumasagitsit na kwitis!
Kung sakaling lulusot naman ay hahalibasin ‘yan ng mga umiikot nating trumpilyo!
With matching sounds pa! Hak, hak, hak!
Don’t worry, parekoy, sakaling makalusot pa talaga ay kayang-kayang i-lock (in split second) at i-intercept ng matitikas nating “fountain”.
He, he, he, tiyak na mapupuno ng kulay ang papawirin! P’we!!!
MASAKIT MANG isipin, parekoy, sa ngayon ay ang mga ‘yan lamang ang tangi nating pangharang sa anumang foreign invasion.
Lalo na kung pag-uusapan ay ang kapabilidad ng ating armamentong pamhimpapawid!
Ang yabang kasi nating umasta na kesyo umuunlad ang ating ekonomiya pero ni hindi natin kayang bumili ng kahit buntot ng “patriot missile”.
Samantalang ang North Korea, kahit aminadong sandamakmak ang nagugutom sa kanilang bansa eh, tiniyak nilang sa halip na magyabang na sila ay maunlad at sa halip na puro pagnanakaw ang atupagin sa pamahalaan ay mas sinigurado nilang palakasin ang kanilang mga kagamitang pandigma.
Bilang patunay, kahit sila ay mahirap na bansa ay kaya nilang bigyan ng sakit ng bumbunan ang powerful nations!
At hindi sila maaring sindakin… dahil kayang-kaya nilang ipaglaban ang kanilang soberenya!
Alin? Dito sa atin?
Tangna, parekoy, panay ngakngak ang Palasyo na panghahawakan umano natin ang ating soberenya, pero halata namang nangangatog ang ating tumbong kontra sa bansang Tsina.
Ang yabang pa natin noong nilimusan tayo ng Amerika ng kanilang bulok na barkong pandigma.
Agad naman natin itong pina-ngalanan ng BRP Gregorio del Pilar.
Kesyo, ang barkong ito ang ipantatapat natin sa Tsina, pero nang binalasubas ng walong barkong pangisda ng Tsina ang ating Scarborough shoal noong isang araw, may nagawa ba ‘yang ating barkong pandigma?
Hindi ba’t nang makita ng BRP Gregorio del Pilar na may escort pala na dalawang maliliit na military ships ng Tsina ay agad bumahag ang ating buntot!
Sabay sigaw na daanin natin sa diplomatikong paraan? P’we!!!
Ang ibig kong sabihin parekoy, limitahan dapat ng Palasyo ang pagiging ganid, bawasan ang pangha-harass ng mga kalaban sa pulitika at tumutok nang husto sa pagbili at pag-imbak ng kagamitang pandigma.
Pero kung hindi rin lang kaya, aba eh, huwag nang ipagyabang ‘yang letseng soberenya-soberenya na ‘yan.
Manginig na lang sa takot habang nagpapaalipin na lang talaga sa powerful countries!
Peryud!!!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303