AYAN NA! NALOKA ang judge sa akin nang umupo ako bilang witness sa kasong isinampa ni Katrina Halili laban kay Hayden Kho.
‘Yan na nga bang sinasabi ko kay Atty. Raymund Palad na abugado ni Katrina nang pinadalhan ako ng subpoena. Ano naman ang kinalaman ko sa kasong iyan at bakit ako nadadamay riyan?
Hindi na talaga ako nakatiis. Sa gitna ng hearing, tinanong ko talaga sa judge kung bakit ako nandu’n eh, wala naman akong kinalaman sa kasong ‘yun. Hindi naman ako ang na-video ni Hayden.
Sabi ko pa sa kanila, 63 years old na ako, hindi ko na maalala ang mga nangyari nu’ng nakaraang taon at kung ano man ‘yung pinag-usapan namin nu’ng nagkita kami nina Dra. Vicki Belo at Hayden kasama sina Atty. Lorna Kapunan.
Naungkat kasi ‘yung taped conversation namin, kung saan kumalat ‘yun at doon napag-usapan ang tungkol sa sex video na ‘yun. Hindi ko naman talaga kasi naalala ang eksaktong napag-usapan namin kaya hindi ko na masagot ang ibang tanong ni Atty. Palad.
Ang ending tuloy, ibabalik na naman daw nila ang taped conversation na ‘yun at gagawing ebidens’ya. Kapag na-present sa korte ang taped conversation na ‘yun, maaaring pabalikin na naman daw ako para ma-refresh sa akin ang lahat ng napag-usapan namin. Nakakaloka! ‘Yun na lang talaga ang masasabi ko, ‘Day! Nakakaloka!
Mukhang matagal pa ang kasong ito kahit halos linggo-linggo ay naghi-hearing sila. Mukhang pati ako magdurusa rin sa kasong ito na wala naman akong kinalaman.
Ang layo pa naman ng Pasig-RTC at ang aga ng hearing, kaya dusa talaga. Sana hindi na ako pabalikin du’n, ‘no!
NATUWA NAMAN AKO sa alaga kong si Alfred Vargas. Talagang konsehal na ang dating nang naka-lunch namin ito sa Romulo Café nu’ng kamakalawa lang.
First day pa lang daw niya nu’ng araw na ‘yun sa city hall pero hindi pa talaga sila nagsisimula sa office dahil sa July 12 pa talaga sila magsisimula. Pero inaayos na niya ngayon ang office nito na dating kay Aiko Melendez.
Marami pa raw siyang aasikasuhin sa office niya at sa mga sisimulan niyang projects kaya talagang busy-bisihan na siya ngayon bilang konsehal.
Medyo malusog pa siya ngayon kaya ayaw muna niyang lumabas ng TV dahil madugo pa ang pagpapapayat niya.
Pero gustung-gusto na rin daw niyang bumalik sa pag-arte dahil ayaw naman niya itong talikuran.
Kaya time lang daw, maaaring ang MWF ay nasa city hall siya at ang dalawang araw ay ilalaan niya sa taping o shooting.
Kahit medyo may katabaan pa ito, natapos naman niya ang isang indie movie na kasali sa nalalapit na Cinemalaya Festival. Ito ‘yung Ang Paglilitis kay Andres Bonifacio.
Proud na proud siya sa pelikulang ito dahil maayos daw ang pagkakadirek sa kanya ni Mario O’Hara. Lalo pa nga siyang ginanahan ngayon na bumalik sa pag-aartista dahil kapapanalo lang niya bilang Best Actor sa nakaraang MTRCB Film Awards.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis