KATATAPOS LANG ng tinaguriang fight of the century nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. Pero tila may nangangamoy na namang isang umaatikabong bakbakan ng dalawang matatapang pa sa leon kung umasta. Ito ang sagupaang Duterte vs. De Lima.
Kilala si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagiging mabagsik nito sa kanyang mga kaaway, lalung-lalo na sa mga kriminal. Ang usap-usapan pa ay pantay ang mga paa ng mga kriminal na ilalabas sa baluwarte ng Davao. Isang kamay na bakal ang simbulo ni Mayor Duterte.
Hindi rin naman pahuhuli sa kabagsikan itong si Department of Justice Secretary Leila De Lima, dahil kahit mga pader ang dating ng mga kriminal at maging mga kawatan na pulitiko ay binabangga niya nang walang alinlangan. Kilala si De Lima lalo na sa pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa mga malalaking sindikato at malalaking pangalan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno. “No one is above the law,” ito ang personal na pilosopiya ni De Lima.
BUO ANG loob ni De Lima sa isinasagawang pag-iimbestiga kay Duterte hinggil sa tinaguriang Davao Death Squad (DDS). Mayroon na umanong mga testigo na nagpapatunay sa Davao Death Squad at nagtuturo kay Duterte na pangunahing utak ng DDS. Ito umano ang responsable sa mga summary executions at extrajudicial killings na nagaganap sa Davao at kalapit na bayan nito. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ilag ang mga masasamang elemento sa Davao.
Hindi umano papayagan ni De Lima ang isang berdugong gaya ni Duterte. Naniniwala si De Lima na may kinalaman si Duterte sa mga summary at extrajudicial execution sa Davao. Hindi umano siya titigil hangga’t hindi niya naipakukulong ang utak ng DDS at ang taong naglalagay ng batas sa kanyang mga kamay.
Talagang palaban itong si De Lima at hahangaan mo ang kanyang katapangan, dahil siya ang natatanging bumangga sa mabagsik na si Duterte. ‘Di hamak na mas matapang pa itong si De Lima sa maraming mga lalaking pulitiko, sundalo, at may kapangyarihan sa pamahalaan sa pagbangga sa mga matatalas na pahayag ni Duterte.
ANG BUWELTA ni Duterte kay De Lima ay hindi siya aatras sa laban. Kakasuhan din niya si De Lima sa takdang panahon. Biglang bawi naman si Duterte sa kanyang mga pahayag na siya ay nagpapapatay ng mga kriminal sa Davao. Lagi lamang niyang sinasambit ito, ngunit hindi pa ito nagaganap.
Ngunit, muling nagpakita ng bagsik itong si Duterte nang sabihin niya sa isang panayam na kung magiging presidente siya ng bansa ay ipakakain niya sa mga isda sa Manila Bay ang mga kriminal at tiwaling pulitiko para magkaroon ng silbi bilang tsibog ng mga isda para tumaba pa ang mga ito.
KAPWA SINA Duterte at De Lima ay itinuturing na berdugo ng mga kriminal at tiwaling opisyal ng pamahalaan. Hindi siguro magandang naglalaban ang dalawa dahil ang mga kriminal at tiwaling opisyal ng pamahalaan lamang ang nagdidiwang sa labanang ito. Tiyak na magkakaroon ng pagkasira sa pagkatao ang dalawang tila action hero natin at hindi ito maganda dahil mababawasan ang kanilang kapangyarihang lipulin ang mga masasama sa ating lipunan.
Kung maipakukulong ni De Lima si Duterte ay magsasaya ang mga krimimal sa Davao at magdidiwang ang mga kriminal sa Pilipinas, dahil tiyak na mawawala na sa landas nila si Duterte at hindi na magiging pangulo ng bansa. Mababawasan ang iilang super hero ng ating bayan. Kung maisasangkot naman ni Duterte si De lima sa mga maanomalyang isyu ay hihina ang dating nito at baka hindi na maging epektibo bilang isang DOJ Secretary.
Dapat ay tigilan na ng dalawa ang kanilang pagtutunggali. Hindi ito nakabubuti sa iisang layunin nila na malipol ang mga kriminal at tiwaling opisyal sa gobyerno. Ang tanging magbebenipisyo ng awayang Duterte-De Lima ay ang mga masasamang elemento sa lipunan natin.
PAREHO ANG layunin nina Duterte at De Lima, pareho rin silang epektibo sa kanilang mga ginagawa para masawata ang masasama at magbigay ng kapayapaan sa ating bansa. Kung pagsasamahin nila ang kanilang kakayahan ay mas magiging epektibo sila sa kanilang mga tungkulin para sa bayan.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapapanood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-5536 at 0917-792-6833. Maaari ring magsadya sa aming action center na matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Bldg., Quezon Avenue corner Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo