ANG KAPATID KO pong babae ay nag-aaplay sa isang ahensiya para mag-abroad. Nagbayad na po siya ng P50,000.00 bilang placement fee. Kamakailan ay natuklasan niyang ang ahensiya ay hindi lisensiyado at ayaw nang ibalik ang kanyang pera. Gusto sana naming magsampa ng kasong illegal recruitment pero ang lahat ng papeles ng kapatid ko ay nasira na ng baha maliban sa isang resibo ng pagbabayad ng placement fee na zerox pa. At marami po kaming transaksiyon na walang papeles. Pero nand’yan pa po ang mga idedemanda namin at kinakantiyawan pa kami na wala kaming maikakaso kasi’y wala kaming dokumento. Talaga po bang wala na kaming laban? — Herda ng Marikina City
HINDI NAMAN. MAY laban pa kayo. Ang kawalan ng papeles ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng ebidensiya. Sa mga kaso ng illegal recruitment, madalas mangyari na ang recruiter ay hindi basta-basta nagbibigay ng mga papeles. Ito’y para nga walang magamit na ebidensiya laban sa kanila kunsakaling magkakasuhan.
Sa ilang desisyon ng ating Korte Suprema, lalo pa ngang tumibay ang kasong isinampa ng biktima dahil sinabi ng korte na modus operandi ng recruiter na hindi mag-isyu ng mga dokumento o papeles. Palatandaan nga ito na illegal ang ginagawa ng recruiter.
Ang zerox copy naman ay maaari pa ring gamiting ebidensiya lalo na kung may makukuha kang mga testigo na maaaring magpatotoo sa pagiging tunay ng xerox copy. Ikaw mismo ay maaaring magpatotoo rito.
Tandaan natin na sa mga asunto, hindi lang dokumento ang maaaring gamiting ebidensiya. Ang mga testimonya ay may bisa rin. Ang salita lang, lalo’t ito ay pinanumpaan (under oath) ay may kasing bisa ring halaga bilang ebidensiya.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo