NAGING SENTRO ng usap-usapan ang nilagnat na peacekeeper na ngayon ay naka-quarantine kasama ang iba pang mga sundalo sa isang isla. Matapos ang physical examination na ginawa ng mga doktor, sinabi nilang dulot ng sakit na Malaria ang lagnat ng sundalo. Sa lahat naman ng pagkakataon ay ngayon pa tinamaan ang sundalo na ito ng Malaria kung kelan mahigpit silang binabantayan sa mga sintomas ng Ebola virus. Nagkataon nga lang ba?
Maaari rin naman kasi nating isipin na ang pagpapalabas ng medical bulletin na Malaria ang tumama sa sundalo at hindi Ebola virus ay isang damage control procedure lamang. Maaaring isa itong protocol. Madali kasing ipaliwanag sa mga tao kalaunan na ginawa ang protocol na ito upang maiwasan ang magkagulo sa bansa at baka magdala ito ng matinding panic at takot sa mga tao.
Madali ring sabihin kung may Malaria ang isang tao, Malaria ang sanhi ng lagnat at hindi Ebola, ngunit hindi ito makatuwiran. Sa simpleng rule ng logic ay makikita ang pangangatuwiran na hindi nangangahulugan na kung may Malaria ang pasyente, ito na ang sanhi ng lagnat dahil marami namang maaaring sanhi ang lagnat. Hindi rin puwedeng sabihin na kung may lagnat ay baka may Ebola virus na, dahil marami rin ang sanhi ng lagnat at hindi lang ang sakit na Ebola. Kaya naman may tinatawag na “protocol”, kung saan ay dapat itong sundin para hindi malagay sa alanganin ang mga mamamayan.
ANG PROBLEMA natin ngayon ay tila kung sino pa ang mga namumuno sa atin ay sila pa itong pasaway sa protocol. Kaya nga naka-quarantine ang mga peacekeeper ay para masigurado na ligtas sila at ang mga mamamayang Pilipino. Bakit naman kailangan pang magpasikat ng ilang mga namumuno sa Department of Health (DOH) at Arm Forces of the Philippines (AFP) para ipakita lang sa tao na wala silang dapat ipangamba.
Dahil sa ginawa nilang pagbisita sa mga sundalo sa isla nang walang protective gears ay inilagay nila ang kanilang sarili sa alanganin at inilagay nila ang buong bansa sa panganib ng Ebola virus. Hindi ba malaking katangahan ito? Mas matimbang ba ang pagpapakitang-gilas na ito na safe na lumapit sa mga peacekeeper kaysa sa kasiguraduhan ng kaligtasan ng buong bansa mula sa Ebola virus? Hindi ba napaka-illogical nito at nakagagalit talaga?
Sayang lang ang ginastos sa pag-quarantine sa mga sundalo at ang maingat na pagbiyahe sa mga ito papasok ng bansa. Ilang milyon din ang ginugol para sa pag-quarantine na ginawa sa mga sundalo at lahat ng ito ay nasayang lang. Nasayang dahil na-defeat ang pakay o purpose ng pag-quarantine sa kanila. Nasayang ang pondo na sana ay mas napakinabangan pa kung dinala ang pondo sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
MALAKAS ANG panawagan ngayon na dapat ay ilagay rin under quarantine ang mga taong ito dahil sa kanilang kapabayaan. Hindi natin gagap ang Ebola virus at hindi rin tayo eksperto rito. Ang pinakamagaling na magagawa natin ay “prevention” kaya dapat ay ibayong ingat sana. Kaya lang ay napaka-careless ng mga taong ito na nagyabang na pumunta pa sa mga sundalong naka-quarantine. Wala namang magandang napala mula rito kundi dinagdagan lang nila ang takot ng mga kababayan natin. ‘Yung mga taong nakasalamuha nila matapos ang pagbisita ay nalagay rin sa alanganin bukod pa sa kani-kanilang mga pamilya.
Dapat ay gawin nila ito at hindi balewalain ang panawagan kahit pa sinasabi ng mga doktor na hindi ito nakahahawa kung wala pang mga sintomas na nakikita sa isang nahawaang tao ng Ebola virus. Ang sakit na Ebola virus ang pinaka-complex na sakit sa kasaysayan ng tao. Kahit na ang mga advance na gamit at technology na mayroon ang medisina ngayon ay hindi naging sapat para pigilan ito na kumalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Maging ang Estados Unidos ay hindi napigilan ito. Ano pa kaya ang ating kakayahan kumpara sa U.S. at tila balewala sa ating mga lider ang protocol na sila mismo ang dapat nagpapatupad at sumusunod. Malayung-malayo tayo sa teknolohiya ng mga Amerikano at tiyak na wala tayong kakayahang mayroon sila para i-handle ang isang Ebola case dito sa bansa kung magkakataon.
ANG SIMPLENG paglabag nila sa protocol na ito ay sumasalamin sa tunay na estado ng ating walang kahandaan sa sakit na Ebola virus. Magiging malaking banta ito sa buong bansa kung sakali at sana’y hindi ito mangyari. Kung ang mga simpleng gamot at pasilidad ay hindi maayos ng DOH sa mga health center ay paano pa kung kumalat ang Ebola virus sa bansa.
Hindi lang dapat ilagay sa quarantine ang mga pasaway na ito kundi dapat din silang kastiguhin dahil sa kanilang kawalan ng matalinong pagdedesisyon. Hindi natin pinandidirihan ang mga peacekeeper, ngunit tayo ay nag-iingat lamang. Natitiyak kong mas nauunawaan pa ng mga peacekeeper na ito ang ginagawang pag-quarantine sa kanila kaysa sa mga pasaway na taga-DOH at AFP. Lubos nilang nauunawaan ito dahil sila ang may firsthand experience dito.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED at 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo