ISA PANG KASO ang isinampa kahapon sa Office of the Ombudsman laban kay Caloocan City Mayor Enrico Echiverri dahil umano sa paglabag sa Republic Act 8291 (The GSIS Act of 1997) at RA 3019 (The Anti-Graft Corrupt Practices Act).
Bukod kay Echiverri, nahaharap din sa kaso ang tatlong opisyal ng lungsod na sina City Treasurer Evelina Garma, Budget Officer Jesusa Garcia at City Accountant Edna Centeno.
Sa 8-pahinang reklamo ni Caloocan Vice Mayor Edgar ‘Egay’ Erice sa Ombudsman, sinabi niyang malinaw na nilabag ng mga akusado ang isinasaad ng GSIS Act at Anti-Graft Corrupt Practices Act.
Sina Echiverri, Garma, Garcia at Centeno ay umano mga opisyal ng lungsod na direktang sangkot sa koleksiyon ng premium contributions, loan amortization at iba pang accounts para sa ahensiyang GSIS.
“Bilang mga opisyal, tungkulin nilang i-remit, ideliber at bayaran ang nasabing mga premium contributions, loan amortizations at iba pang account para sa GSIS sa loob ng 30 araw “from the time that the same have been due and demandable,” pahayag ni Erice sa kanyang reklamo.
Lumalabas, aniya, na ang mga nasabing akusado ay nabigo, ‘di tumupad o inaantala ang ‘turnover’ ng remittance ng nasabing accounts ng GSIS sa loob ng palugit na itinatakda ng RA 8291.
Napag-alaman din kay GSIS General Manager Robert Vergara na mula July 1997 hangang December 2002 at mula January 2007 hanggang December 31, 2010, ang personal shares ng mga empleyado, ganon din ang government shares ng Caloocan ay hindi nire-remit sa GSIS at ‘di nabayaran.
Dahil sa mahabang panahon na ‘di pagbabayad at pagtanggi ni Echiverri na bayaran sa itinakdang panahon ng batas, nadagdagan ng interes ang nasabing utang at lumobo ng P260 milyon ‘as of December 31, 2010’.
Dahil sa utang na ‘yan, inilagay ng GSIS ang Caloocan sa ‘suspended status’ na ang ibig sabihin, ‘di maa-avail ng mga empleyado ng kanilang benefits mula sa GSIS katulad ng salary loan at iba pang loan o benepisyo.
Hangga’t ‘di nababayaran ng lungsod ang pagkakautang, ang mahigit 3,000 kawani at mga dependents ng mga ito ay ‘di magagamit ang kanilang benepisyo na ibibigay ng GSIS ayon sa batas katulad ng monthly pension, separation benefits, retirement benefits, permanent disabi-lity benefits, temporary disability benefits, survivorship benefits, funeral benefits, life insurance benefits at loan benefits, ayon sa pahayag ni Erice sa kanyang complaint.
Nilinaw ni Erice na ang kanyang aksiyon ay walang halong pamumulitika, bagkus ginagawa niya ito sa ngalan ng mga kawani ng lungsod na natatakot magreklamo sa takot na sila’y balikan ng mga akusado.
Bukod sa isyu ng GSIS, may nakabinbin pang kaso si Echiverri sa Ombudsman, isa ay ang tungkol sa isinampa sa kanya ng isang negosyante noon 2004 na kamakailan ay inakyat na sa Sandiganbayan.
At ang pangalawa ay ang isinampa rin ni Erice tungkol sa pakikipagsundo ni Echiverri sa maanomalya umanong bentahan ng Gotesco Grand Central. (ROMAN MAGPOC)