Economic managers, pinakilos ni P-NOY maka-raan ang 9 na buwan!

SO SLOW!

Ito, parekoy, ang komento ko sa ulat na inatasan na ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kanyang economic managers na pag-aralan ang mga opsyon para kontrahin ang epekto ng taas ng bilihin na nagsimula sa paggalaw ng halaga ng langis sa world market.

Gusto kong palakpakan ang Pangulo… kumilos din… iyon nga lang after 9 months…naka!

Eh bakit ‘ka n’yo ganito ang aking pagtanggap? Obvious naman kasi na hindi mapigil ang pagtaas ng halaga ng langis habang kung magugunita, Enero 1, 2011, tumaas ang toll fee sa SLEX at NLEX, pasahe sa jeep, bus, flag down sa taxi habang napigil lang ang para sa MRT at LRT.

Hindi rin nagpahuli ang Maynilad, Manila Water at Meralco sa pagtataas ng kanilang singil. Sa palagay n’yo may magagawa pa ang P404 per day na suweldo ng isang tatay na may anim na anak? Wala!!!

At pagkatapos, panay ang bida ng Pangulo na pinakikilos na niya ang kanyang economic managers?

Sta. Banana!!!!! Mahaba na ang utang ni Juan dela Cruz. Ang sinasabi po ninyo, mahal na Pangulo, ay utos pa lang at sa susunod na linggo pa magrerekomenda ang mga tauhan mo ng solusyon.

PAKISUYO PO MAHAL NA PANGULO, PAKIBILISAN ANG PAG-AARAL PARA MARAMDAMAN NA NAMIN ANG INYONG PAGMAMALASAKIT!

MULTO NG PAGTAPYAS SA VAT OIL

Kabilang sa mga pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan ang pagbabawas sa tax sa langis.

Inamin ni Budget Secretary Butch Abad na malamig sila sa ganitong panukala dahil bababa ang koleksyon sa buwis.

Ako ay nagtataka, para saan ba ang buwis? Hindi ba para sa taumbayan din?

Pero bakit parang ayaw itong ipagamit ng pamahalaan sa taumbayan?

Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kanyang ipinatupad ang tariff cut sa langis gayundin ang pagtataas ng pasahe sa MRT/LRT at naglaan ng subsidy.

Dahil dito, pinagbintangan si GMA na politically motivated ang hakbang. Eh ganu’n pala, mas gusto ko nang maging politically motivated si P-Noy dahil mas kailangan ng tao na mapababa ang pasahe.

Pumasok tuloy sa utak ko, parekoy, na prinsipyo na lamang ang umiiral sa mga tauhan ni P-Noy na nagkukumahog silang mapataas ang kaban ng bayan habang naghihirap si Juan dela Cruz.

Sana ay magliwanag ang isipan ni Abad na ang tax ay nililikom para sa serbisyo sa taumbayan at hindi ito iniipon bilang basehan na matatag ang ekonomiya ng bansa. Ang ganitong pananaw ay tumpak na “FOR SHOW” lamang.

Ugaliing makinig sa aking programang ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530 Ang Radyo Uno, dulong kanan sa inyong tala-pihitan, tuwing Lunes-Biyernes, 6-7 am. Live streaming: www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; text/call: 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleNA-INTERVIEW LANG DAW
Next articleIniregalo pala sa kapatid: regalong aso ni girl kay boy, ninakaw raw!

No posts to display