ALMOST SEVEN WEEKS din palang namalagi sa Amerika ang actor-host na si Edu Manzano.
Pero kahit na natagalan pa ang pagbabalik nito sa bansa, binigyan ng importansya ng Kapuso network si Edu dahil hinintay nila ito para papirmahin ng three-year exclusive contract para sa bagong game show na sasalangan niya, ang Asar-Talo, Laging Panalo.
Hindi rin naman daw basta tinanggap ito ni Edu. Kinailangan din munang makita niya ang konsepto ng nasabing game show para malaman niya kung ano ang mga elementong nakasaad, na sa kanyang gagampanan sa nasabing palabas, hindi lang bilang isang host na magsasalita roon kundi ang involvement niya sa lahat ng iikutan ng mga mechanics nito.
At tumama naman sa panlasa ni Edu ang inihain sa kanyang konsepto kaya sisimulan na ito sa kanyang birthday month sa September!
Nilinaw rin ni Edu na kahit dalawang dekada na ang inilagi niya sa ABS-CBN, noong taong 2005 lang siya pumirma ng kontrata rito. Pero nakapagpaalam na siya sa nasabing istasyon nang pumasok siya sa political arena. Kaya sa pagtanggap daw niya ngayon ng trabaho sa Kapuso, hindi na niya kailangan pa ang magpaalam sa Dos at hindi naman na kinakailangan.
Naalala rin ni Edu na may talk show na rin siyang nasalangan before sa Siyete na malamang na ibalik din gaya ng kanyang late night show dati. Ilang panahon din siyang naging bahagi ng Unang Hirit, pati na ng Emergency.
Ang galing ng naka-isip ng titulo ng game show na ito, swak kay Mr. Manzano!
SAGLIT KAMING NAMAHINGA (overnight) sa De Ocampo Memorial Hospital noong Sabado para maisagawa na ang minsang naging paksang usapan sa Mel & Joey na kaso ng aking lumaking ilong.
Sa pamamagitan ng pitak na ito, pasasalamatan ko lang ang mga doktor na nag-opera sa aking ilong: sina Dra. Grace Carole P. Beltran at Dr. Gil M. Vicente, kasama ang anesthesiologist na si Dr. Ashley Ferrer at RDO na si Dr. Roland Nambua, sampu ng medical staff sa nasabing pagamutan sa successful na almost four hours surgery.
Nagsimula ang aking kaso as rosacea hanggang sa naging full-blown rhinophyma.
Si Dra. Beltran ang isa sa paboritong resource speakers ng Mel & Joey pagdating sa mga problema sa balat. And very soon, malamang na maging co-host din siya ni Connie Sison sa programang Pinoy, M.D. dahil na rin sa kanyang credentials bilang bahagi rin noon pa ng Kapwa Ko, Mahal Ko at ng GMA Foundation.
At ang isa pang anghel na pasasalamatan ko sa walang puknat sa kakulitan para sumailalim ako sa nasabing operasyon eh, walang iba kundi ang mahusay na komedyanteng si Arnel Ignacio!
NAKASAMA KAMI SA mga miyembro ng press na maglalaro sa Biyernes sa programang Panahon Ko ‘To na hino-host ng sumusunod na sa yapak ng kanyang amang si Edu Manzano na si Luis at ng nagsimula bilang isang child star na si Billy Crawford.
Dahil mga members ng press ang nagsisalang sa mapapanood na episode sa Biyernes ng hapon, hindi nakaligtas ang dalawang binata sa mga naibuking tungkol sa kanila sa panahon ng mga press, kung saan naman masasabing mga batang-paslit pa o ni hindi pa nga ipinanganganak o kasisilang pa lang ng dalawa.
Mahulaan n’yo kaya kung sino sa dalawang ito ang masasabing late-bloomer sa pagbubuking sa kanila ni Ogie Diaz kung kelan sila naging ganap na mga lalaki? Meaning naalala pa ni Ogie ang date kung kelan sila na-circumsize, huh! Na hindi matanggap ng dalawang binata.
At sa isang category na pinahulaan tungkol sa isang singer, nabuking naman ang isang member ng press na diumano’y naging malapit sa nasabing singer, pero hindi niya nahulaan na ito pala ang kumanta ng song na pinahuhulaan kung sino ang singer, na may initials na CC.
Kayo na ang humusga kung nakuha na ba ni Luis ang flair ng ama sa mundo ng hosting o masasabing mas may sarili na itong estilo sa panahon niya ngayon!
Sabi rin pala ni Edu sa panayam sa kanyang pagbabalik sa telebisyon, he’s still looking forward to that project na pagsasamahan nila nina Governor Vilma Santos at ni Luis nga. Ang kontrata naman daw niya sa Siyete eh, para sa TV lang kaya pwede pa siyang lumabas sa ibang bakuran sa pelikula.
Magandang aabangan ng mga manonood ang mga ganitong proyekto – ‘yung kina Sharon Cuneta, Gabby Concepcion at KC. At ito namang kina Luis, Vilma at Edu.
Suntok sa buwan na kung silang lahat na ang pagsama-samahin, ‘di ba?
The Pillar
by Pilar Mateo