Dear Atty. Acosta:
Nais ko pong ihingi ng advice sa inyo kung ano ang dapat kong gawin para mabawi ang perang ibinayad ko sa isang kumpanya para sa educational plan ng anak ko. Natapos ko itong bayaran noong 2004 at ng gagamitin na ng anak ko ay ayaw siyang tanggapin ng school na papasukan niya. Hindi raw kasi nakababayad ang kumpanya sa mga scholar nito. Ang gustong mangyari ng kumpanya ay abonohan ko muna ang tuition fee at ire-reimburse na lang ang mga nagastos ko.
Ang problema ay hindi ko kayang abonohan ang tution fee dahil wala akong maayos na trabaho. Tama lang ang aking kinikita sa aming pang araw-araw na pangangaila-ngan. Taong 2002 kasi ay nawalan na ako ng trabaho, nagbenta lang ako ng mga gamit para mabayaran ko ang babayaran ko sa kumpanya. Ilang taon akong naghintay na maayos ang problema pero malabo yata. Sinubukan kong i-withdraw na lang ang pera pero hindi ko itinuloy dahil gusto nilang ibigay kong lahat ang original documents.
Ayaw nila ng xerox copy. Nang huling magtanong ako sa opisina ng kumpanya ay nalaman ko na sa 2012 ko pa raw makukuha ang pera.
Attorney, tulungan n’yo ako. Kung maaari sana ay magamit pa ng anak ko ang educational plan o ang perang katumbas nito kasi gusto niyang matupad ang pangarap niyang magpulis.
Gumagalang,
Nelson
SADYANG NAKALULUNGKOT AT nakakapanlumo ang nangyari sa inyo na hindi ninyo magamit ang perang inyong inipon para sa pag-aaral ng inyong anak dahil sa hindi maayos na pagpapatakbo ng isang kumpanyang inyong pinagkatiwalaan.
Gayunpaman, sa mga ganitong sitwasyon, binibigyan ng batas ng pagkakataon ang isang kumpanyang nasa bingit ng pagkakalugi na isaayos ang pampinansyal na obligasyon nito sa pamamagitan ng “Corporate Rehabilitation”. Ito ay isang petisyong hinahain sa korte ng mismong kumpanya o ng mga pinagkakautangan nito upang mapangalagaan ang mga natitirang “assets” ng kumpanya at hindi ito tuluyang malugi. (Rule 4, Section 1, Interim Rules of Procedure on Corporate Rehabilitation)
Ayon din sa nabanggit na batas, kapag nakita ng korte na nasa ayos ang petisyong inilagak dito, magbababa ito ng kautusan:
“(a) appointing a Rehabilitation Receiver and fixing his bond; (b) staying enforcement of all claims, whether for money or otherwise and whether such enforcement is by court action or otherwise, against the debtor, its guarantors and sureties not solidarily liable with the debtor; (c) prohibiting the debtor from selling, encumbering, transferring, or disposing in any manner any of its properties except in the ordinary course of business; (d) prohibiting the debtor from making any payment of its liabilities outstanding as at the date of filing of the petition; (e) prohibiting the debtor’s suppliers of goods or services from withholding supply of goods and services in the ordinary course of business for as long as the debtor makes payments for the services and goods supplied after the issuance of the stay order; (f) directing the payment in full of all administrative expenses incurred after the issuance of the stay order; (g) fixing the initial hearing on the petition not earlier than forty five (45) days but not later than sixty (60) days from the filing thereof; (h) directing the petitioner to publish the Order in a newspaper of general circulation in the Philippines once a week for two (2) consecutive weeks; (i) directing all creditors and all interested parties (including the Securities and Exchange Commission) to file and serve on the debtor a verified comment on or opposition to the petition, with supporting affidavits and documents, not later than ten (10) days before the date of the initial hearing and putting them on notice that their failure to do so will bar them from participating in the proceedings; and (j) directing the creditors and interested parties to secure from the court copies of the petition and its annexes within such time as to enable themselves to file their comment on or opposition to the petition and to prepare for the initial hearing of the petition.” (Rule 4, Section 6, Interim Rules of Procedure on Corporate Rehabilitation)
Maliwanag sa nasaad na batas, kayo po bilang pinagkakautangan, ay maaaring maglagak sa korte kung saan nakabinbin ang petisyon ng inyong oposisyon o komento sa nasabing rehabilitasyon. Subalit maliwanag din na hindi muna maaaring bayaran ng kumpanya ang mga pagkakautang nito. Samakatuwid, kailangan talagang maghintay ang mga pinagkakautangan dahil ang pagbabayad ay kailangang isagawa alinsunod sa “Rehabilitation Plan” na inaprubahan ng korte. Kung nakasaad nga sa aprubadong “Rehabilitation Plan” na sa taong 2012 pa maaaring magbayad ang kumpanya, kailangan itong sundin ng kumpanya. (Rule 4, Section 24, Inte-rim Rules of Procedure on Corporate Rehabilitation)
Upang makasigurado sa impormasyong inyong nakuha mula sa kumpanya, mas makakabuti na kumpirmahin ninyo ang “Rehabilitation Plan” na mismong inaprubahan ng korte. Mainam na pumunta kayo sa korte kung saan nakabinbin ang petisyon para sa rehabilitasyon ng kumpanya at tingnan ninyo ang mga “records” ukol dito.
Isipin na lamang ninyo na mas makakabuti ito sa mas nakakarami pati na sa inyo dahil napoprotekta-han kayong mga pinagkakautangan sa pamamagitan ng pagpapayabong muli sa mga “assets” ng kumpanya kung saan kinukuha ang mga pambayad sa mga obligasyon nito. Kung hindi napasailalim sa rehabilitasyon ang kumpanya, maaaring hindi na nga ninyo makuha ang inyong pera o hindi na kayo mabayaran dahil sa pagkalugi.
Atorni First
By Atorni Acosta