AKO PO AY isang seaman na naglayag sa loob ng dalawang taon—ang effectivity ng aking kontrata. Hindi ko na nakuhang magpahinga o magbakasyon dahil agad akong sumampa sa isa pang barko na pag-aari ng kumpanya. ‘Yun nga lang, ang barko ay domestic lamang at nasa inter-island shipping. Dahil dito, bumaba ang aking sahod pati na ang mga benepisyo. Sinubukan kong magreklamo sa kumpanya pero ang sabi nila’y nagtapos na ang dati kong kontrata at bago na ang pinasukan ko. ‘Di po ba ako protektado ng ating Labor Code? ‘Di ba dapat ay may notice man lang sa akin bago tinapos ang nauna kong kontrata? — Gil ng Cavite City.
DALAWANG MAGKAIBANG KONTRATA ang sangkot sa kaso mo. Ang una ay ang sumasaklaw sa pagiging seafarer mo para sa international na paglalayag. Sa panahong sakop ka nito, ikaw ay maituturing na isang OFW. Mas mataas tiyak ang mga sahod at benepisyo mo sa panahong ito. Ngunit ibang batas ang i-aaply natin sa usaping ito.
Ang kontrata ng isang OFW ay nagwawakas sa takdang panahong NAKASULAT sa kontrata. Kaya’t kung ang nakalagay na effectivity nito ay dalawang taon, magwawakas ito sa eksaktong dalawang taon. Hindi na kailangang padalhan ka pa ng notice. Kusang matatapos ito ayon sa nakasulat.
Iba naman ang kontratang pinasok mo sa lokal o inter-island. Dahil naglalayag ka sa loob ng teritoryo ng Pilipinas, masasaklaw ka na ng ating Labor Code. D’yan papasok ang hinihingi mong notice bago ka alisin at iba pang proteksiyong ibinibigay ng ating mga batas. ‘Yun nga lang, mas mababa talaga ang tatanggapin mong mga benepisyo sa local employment.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo